IBALIK ANG OFFICE OF THE PRESS SECRETARY

Magkape Muna Tayo Ulit

HAY, salamat! May isang senador na naglakas loob na nagsabi na panahon na upang buwagin ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Sec. Martin Andanar at ibalik ang Office of the Press Secretary (OPS). Ang tinutukoy ko ay si Senate President Tito Sotto. Mabuhay ka, Tito Sen! May tama ka rito. Ang OPS ay masasabing isang iginagalang na ins­titusyon sa larangan ng pamamahayag ng mahalagang komunikasyon at impormasyon upang magbigay ng tama at epektibong mensahe hinggil sa mga plano at programa ng ating gob­yerno sa sambayanan.

Noong pumasok si PNoy noong 2010, lumikha sila ng bagong ahensiya ng gobyerno na tinawag nilang Presidential Communications Group (PCG) at pinalitan ang Office of the Press Secretary (OPS). Ang layunin  ni­to ay ang paigtingin umano ang pagbigay ng impormasyon sa mga nangyayari sa sangay ng ehekutibo. ‘Yan ang bersiyon nila. Ngunit, ang buong katotohanan diyan ay ginawa nila ito upang mapagbigyan ang dalawang paksiyon ni PNoy na tumulong sa kanya noong tumakbo siya sa pagkapangulo. Ito ay ang Samar at Balay group.

Inatasan si Ricky Carandang at ang kanyang sidekick na si Manolo Quezon na gumawa ng paraan upang baguhin ang istruktura ng OPS para mapaunlakan ang Samar at Balay group na nais hawakan ang pamamahayag ng mga impormasyon na nagmumula sa Malacañang. Hinati-hati ito sa Presidential Spokesman, Presidential Communications Development and Strategic Planning, at Presidential Communications Operations Office. Sa mada­ling salita, ginawa nilang mas kumplikado ang istruktura ng pamamahayag.

Biniyak-biyak nila ang OPS. Ang resulta ay ang Presidential Spokesman at Presidential Communications Operations Office ay hinawakan ng Samar Group. Ito ay pinamunuan nina Sec. Edwin Lacierda at Sec. Herminio Coloma. Samantala, ang Presidential Communications Development and Strategic Planning ay para naman sa Balay Group na pinamunuan dati ni Ricky Carandang at ng kanyang tao na si Usec. Manolo Quezon. Ang siste, parang ginawa nilang North at South Korea ang OPS.

Marami nang nagdaan na administrasyon ang ating Republika at ang mga Press Secretary  ay hindi ginalaw ang istruktura ng OPS. Bakit? Dahil wala naman kasing problema ang nasabing ahensiya. Matagumpay ito sa pagbibigay ng mga impormasyon sa mga nangyayari sa ating gob­yerno sa mass media. Dagdag pa rito ay nagagawa nilang ipaunawa sa sambayanan ang mga mabubuting gawain ng pamahalaan.

Ang OPS ay may tungkulin na magbigay ng mga pang-araw-araw na opisyal na gawain ng pangulo sa media at magbigay ng press conferences. Siya rin ang opisyal na tagapagsalita ng Malacañang.

Matatandaan na itinaguyod ito noong panahon pa ni Pangulong Quezon na walang kinikilingan na mga makasariling hangarin. Ang istruktura  ng OPS ay subok na sa matagal na panahon. Aayusin lamang ito at sasang-ayon sa mga makabagong teknolohiya dahil sa pagpasok ng social media.

Sana ay pag-aralang mabuti ang panukala ni Sen. Sotto na ibalik ang Office of the Press Secretary. Sa totoo lang, bago ito pinalitan noong nakaraang administras­yon, ang mga namuno sa OPS ay maitutu­ring na mga haligi ng pamamahayag.  Subok na ang istruktura nito. Nagpahayag pa nga si Sen. Sotto na bukas siya na dagdagan ang badyet nito upang maayos at maging epektibong muli ang nasabing ahensiya ng gobyerno sa pagbibigay ng tamang pamamahayag at impormasyon sa sambayanan.

Comments are closed.