IBALIK SI BAHAM SA GAB

pick n roll

HALOS 100 araw na rin ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Napunan na ang mahahalagang posisyon sa bagong Gabinete at masasabing umaarangkada na ang gobyerno para maibigay sa mamamayan ang mga pangangailangan na sinasabing ‘basic needs’.

Sa laban sa kahirapan, krimen at seguridad sa kaligtasan, kalusugan, edukasyon at pagkain ay nailalatag na ang mga programa. Hindi nga ba’t bumisita na ang Pangulo sa Indonesia para patatagin ang relasyon sa ating kapit-bahay at manghikayat ng mga investors maging sa Singapore. Sa kasalukuyan, ang mga matataas na opisyal at kinatawan ng buong mundo ang pakikiusapan ngayon ni BBM sa importanteng United Nation (UN) Assembly sa New York.

Tunay na lodi. Paspasan ang kilos.

Ngunit tila may isang sektor – ang sports community – ang hindi pa lubos na nabibigyang pansin ni BBM. Ang mga itinuturing na ‘bayaning atleta’ ay nangangailangan din ng ayuda at pagkalinga.

Nakabitin ang mga programa ng Games and Amusements Board (GAB) – ang ahensiya na nangangasiwa sa professional sports – bunsod ng kawalan ng lehitimong opisyal. Wala pang naitatalaga ang Malacanang sa three-man Board ng GAB. Ang legal counsel ng ahensiya na si Atty. Ermar Benitez ang Officer-in-Charge (OIC).

Malaki ang responsibilidad ng GAB hindi lamang sa boxing kundi maging sa lumaking pamilya ng pro sports (Salamat sa epektibong liderato ni dating Chairman Baham Mitra). Malaking usapin ngayon ang pagdagsa ng mga Pinoy cagers para maglaro sa abroad at mismong si PBA Commissioner Willie Marcial na ang nagpapasaklolo sa Senado para maabatan ang anila’y ‘poaching’ ng Pinoy talent. Kinakabatutan na si Komi, baka tuluyang langawin ang PBA kung wala nang superstars.

Mistulang kabute naman ang pagsulputan ng mga torneo sa Electronic Sports (Esports) na kung hindi mababantayan ng GAB ay tiyak na mahihigitan ang largahan ng sabong sa mga tupadahan.

Nakatali naman ang kamay at paa nina Chairman Noli Eala at Commissioner Bong Coo para matugunan ng Philippine Sports Commission (PSC) – ang ahensiya sa amateur sports — ang mga pangangailangan na maisulong ang mahahalagang programa sa grassroots sports at paghahanda ng elite athletes sa pagsabak sa mga torneo sa abroad.

Walang quorum ang PSC Board. Hindi makaarangkada, puro rebulusyon sa makina. May tatlo pang bakante. Kumbaga sa nakapilang FX na pabiyaheng Cavite, hindi pa makalalarga dahil kulang pa ng isang pasahero. Dapat na sigurong, ilabas ang appointment ng isang medical sports personality na No.2 na kandidato para maging Commissioner.

Naku po! Sa susunod na taon, dalawang malaking international multi-events ang lalahukan ng atletang Pinoy, ang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo -5-16 at ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8. At sa 2024, sabak naman sa Olympics sa Paris, France.

Hindi naman nagkukulang para masustinahan ang pagsasanay ng mga Olympic hopefuls na sina weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlo Yulo at world No.3 pole vaulter EJ Obiena. Subalit hindi lamang ito ang sakop na responsibilidad ng PSC kung kaya kailangang mabuo ang Board para umandar na ang lahat at makabiyahe nang tama ang programa.

Ilang ‘Marites’ ang bumulong na nahihirapan ang Malacanang na salain ang aplikasyon ng mahigit 100 aplikante sa PSC, habang nagdadalawang-isip sa mga nais maupo sa GAB dahil karamihan umano ay hindi kuwalipikado.

Para mapadali at walang pagdududa, ibalik na lang sa GAB si Mitra. Magiging madali sa Presidential Management Staff (PMS) ang trabaho kung babalikan ang mga nagawa ng dating Palawan Governor at Congressman sa pro sports. Ilan diyan ang libreng medical, dental at CT scan sa mga atleta. Nadagdagan ang kabuhayan ng atleta sa pagdagsa ng pro league sa chess, esports, mma, at basketball.

(Para sa komento at suhestiyon, ipadala sa [email protected])