“Death leaves a heartache no one can heal. Love leaves memory no one can steal! You will always be forever in my heart!”
Si Glenna Gaerlan, matapang na tao. Kayang harapin ang lahat ng pagsubok sa buhay ng nakataas ang noo.
Lumaki siyang walang nakilalang ina sa Angeles, Pampanga ngunit puno naman ng pagmamahal mula sa kinilalang amang si Cholo Gaerlan at kay Lola
Sally na nagpalaki sa kanya.
Alam niyang miyembro ng LGBTQI+ si Cholo kaya inakala niya noong unang iniwan sila ng kanyang ina dahil dito.
May mga nambu-bully rin na sinasabing ampon lamang siya, ngunit laging naroon si Cholo para siya ipagtanggol, kaya binalewala niya ang lahat. Hanggang isang araw, nalaman niya ang katotohanang siya at ang kanyang kapatid ay totoo ngang ampon.
“Hindi ko man kayo anak sa laman, anak ko naman kayo sa puso ko,” ani Cholo.
At totoo iyon. Bukod sa mapagmahal na ama, good provider si Cholo. Mula pagkabata ay maginhawa ang kanilang buhay, at nag-aral silang magkapatid sa pinakamaganda at eksklusibong iskwelahan sa Angeles City.
Tao lang, umibig si Glenna at nabuntis. Tinuya siya ng mga kamag-anak at kakilala, ngunit hindi man lamang nagalit si Cholo. Sa halip, ipinagtanggol pa siya. Tama lang daw ba buhayin ang bata. Nakakahiya sa Diyos kung magiging kriminal siya sa sarili niyang anak.
Isa sa pinakamasakit na pangyayari sa kanyang buhay nang mamatay ang kanyang ama sa sakit na cancer. Hindi dahil naubos ang kanilang kabuhayan sa pagpapagamot, kundi dahil tatatlo lamang ang kakampi niya at nawala pa ang isa. Gusto niyang magrebelde, magtampo sa Diyos, ngunit may tatlo na siyang anak na umaasa sa kanya na isang single mom. Matanda na rin si Lola Sally at sa kanya na rin umaasa.
Nagdesisyon siyang magtrabaho sa Dubai. Doon niya nakilala ang isa pang lalaking tumanggap sa kanya sa kabila ng kanyang nakaraan. Nagkaroon sila ng isang anak.
Ngunit mapagbiro ang tadhana. Ngayong masaya na siya, namaalam naman si Lola Sally. Naiwan ang tatlo niyang anak sa Saitan, Ilocos Sur na walang kasama. Ngunit kailangan niyang bumalik sa Dubai upang may ipangtustos sa kanilang pag-aaral, kaya masakit man, inihabilin niya ang mga bata sa kamag-anak, sabay pangakong dadalasan niya ang pag-uwi.
Ngayon ay nasa Dubai pa rin si Glenna, ngunit araw-araw niyang bini-video call ang mga naiwang anak. Salamat sa teknolohiya.
“I’ll be a good parent,” aniya. “Tulad ni Papa (Cholo). Hindi ko sila pababayaan kahit ano ang mangyari.”
Nang tanungin kung may plano ba siyang hanapin ang kanyang biological parents, “Kung itinadhana, magkikita kami,” aniya. “Sa ngayon, wala akong panahon. Mga anak ko muna ang uunahin ko.”
RLVN