“Lumaki ako sa Pilipinas at kahit kailan, hindi ko itinanong kung magkano ang kinikita ng pamilya ko,” ani Marissa Morales ng Maryland, USA.
“Hindi yon pinag-uusapan sa bahay. Wala pang fast food noon kaya masaya na kami na banana cue at samalamig, o kaya naman ay softdrink na Avenue at dirty ice cream na dumaraan sa harapan ng bahay.
“Laging lutong bahay ang aming almusal, tanghalian at hapunan. Minsan, adobo, paksiw, sinigang at gulay tulad ng chopsuey, pakbet at ginisang balatong (munggo). Basta kung ano ang nasa hapag, kakainin namin, bawal magreklamo.
Natatandaan ko pang binubunutan ko ng puting buhok ang tiya kong nagpalaki sa akin, singko ang isa. Naglilinis din kami ng bahay at tumutulong sa pagtitinda ng yelo — yun ang aming negosyo. Hindi namin basta-basta nakukuha lahat ng gusto namin.
“Kung gusto naming maglaro, magbibisikleta kami at makikipaglaro sa mga kaibigan. Hindi mo kayang bayaran ang saya kapag magkakasama kayo.
Naliligo kami sa dagat, sa ilog, — Wala pang swimming pool noon. Bihirang mangyaring walang tawanan kapag magkakasama ang barkada.
Umiinom kami ng tubig sa gripo at sa poso. Sa piso, may Coke at spaghetti ka na. At ang bote ng suka, toyo at mantika, ibinibenta namin sa junk shop para makabili ng kendi.
Paglabas sa iskwela, gagawa ng homework at chores bago makipaglaro ng patintero. Pero dapat, kagpapaalam muna, dahil kung hindi, mapalo pag-uwi.
Nakikinig kami sa payo magulang kahit masama ang loob namin dahil nirerespeto namin sila. Batas ang salita nila. Hindi mo sila kukwestunin, at pag sumagot-sagot kami sa mga mas matanda sa amin, magagalit sila. Discipline yon.
Normal sa aming mag-po at opo, at nagpapaupo oami sa matatanda sa bus.
Bawal magmura — masasampal! Masaya ang kabataan ko.
Hindi ko pwedeng kalimutan kung saan ako nagmula, kahit pa matagal na ako dito sa Maryland, USA. Kasi, Pinoy ako.
RLVN