Mahigit kalahati ng buhay ni Soledad Rojales ay ginugol niya sa pagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong. Wala siyang choice. Nagkamali siya sa pagpili ng mapapangasawa kaya mag-isa niyang binaba ang pagpapalaki sa kanyang dalawang anak na sina Enteng at Mai Espiritu.
Alam niyang nagkakaedad na siya ngunit nananatili pa rin siyang pabalik-balik sa Hong Kong. This time, dahil nasa maayos na kakagayan na ang kanyang mga anak at may mga pamilya na rin, mag-iipon naman siya para sa kanyang sarili — sa kanyang pagreretiro.
Malakas pa siya. Para sa kanya, age is just a glow-up in progress. Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na dinanas niya sa kanyang buhay, may naiwan namang saya at pag-asa … ang kanyang mga anak at mga apo, at mga tunay na kaibigang nakasama niya sa hirap at ginhawa.
Sila ang mga true friends na sabi nga niya ay low maintenance. Iyong hindi niya madalas makita o makausap, ngunit kapag nagkasama sila ay parang kahapon lamang nagkalayo. Yung nagkakaintindihan sila sa isang kindat lamang.
At syempre, ang kanyang mga anak na pinag-alayan niya ng kanyang buhay at kabataan.
Sabi nga ni Enteng, “Lahat ng meron kami, utang namin sa’yo. Wag ka po sanang maniningil ngayon, hehe!”
At sabi naman ni Mai, “Mamz, dahil birthday mo, magsa-samgyup kami. As usual, libre mo kahit wala ka dito. Wag ka muna tumanda, madami pa tayong kakainan,” biro pa nito. “We Love You.”
Isang araw, permanente na siyang uuwi upang makasama ang natatangi niyang kayamanan — ang kanyang pamilya at kaibigan.