CAMP CRAME – UMIWAS ang Philippine National Police (PNP) sa nosyon na kaya nila dadakpin ang nagsumite ng impeachment kay Pangulong Rodrigo Duterte ay dahil sa sentimiyento nito sa pangulo.
Sa halip ay nilinaw ng PNP na ang kanilang basehan sa pag-aresto ay posibleng may iba pang paglabag nito. Dagdag pa ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac, ang tinutukoy ni PNP Chief Oscar Albayalde na imbestigasyon ay para sa mga posibleng ibang paglabag sa batas ng mga ipaaaresto ng pangulo.
Ayon kay Banac, ang sinabi ng PNP chief ay base sa “premise” na posibleng magkaroon ng ibang paglabag sa batas ang mga magpapa-impeach sa pangulo gaya ng maling pag-akusa tulad ng criminal libel at defamation o perjury.
Kung maaalala, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na hindi puwedeng hulihin ang mga maghahain ng impeachment laban sa pangulo dahil iyon ay isang legal na proseso.
Giit ni Banac, alam ng PNP ang mga elemento ng pagsasagawa ng tamang pagdakip kasabay ng pagtiyak na tatalima sila sa batas.
Una nang sinabi ni Albayalde na kung ipag-utos ng pangulo ay gagawin nila ito kung may makikitang paglabag sa batas ang mga naturang indibidwal.
Magkakaroon din aniya ng imbestigasyon bago sila magpatupad ng pag-aresto. EUNICE C.