(Ibang presidentiables) TAOB KAY PING SA WPS ISSUE

NAPUKAW  ang atensiyon ng higit na nakakaraming Pinoy sa problemang bumabalot sa mga pag-aari ng Pilipinas na bahagi ng West Philippine Sea (WPS) matapos na ang Pag-asa Island ay personal na dalawin ni Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson.

Ito ay kung ibabatay sa isang survey na idinaos matapos ang pagtuntong ni Lacson sa nabanggit na islang pinapaligiran ng mga barko ng China sa kabila ng katotohanang ito ay sakop pa ng Pilipinas bilang bahagi ng bayan ng Kalayaan na nasa lalawigan ng Palawan.

Batay kasi sa survey ng The Power of Truth, na isinagawa isang linggo matapos ang pagdalaw ni Lacson sa isla, nadagdagan ang puntos at nanguna ang tambalan nilang dalawa ni vice presidentiable Vicente Sotto III kumpara sa ibang mga tumatakbo sa parehong mga posisyon.

Nakuha ni Lacson ang 71 porsiyentong boto habang si Sotto naman ay nakakuha ng 70 porsiyento mula sa 2,000 lumahok online independent survey.

Sinagot ng mga lumahok sa presidential at vice presidential survey ang tanong na “Sino ang iyong presidential bet para sa 2022 Philippine national election?” Binase ang mga kandidato mula sa listahan ng mga naghain ng certificate of candicacy sa Commission on Elections (Comelec).

Batay sa resulta ng survey, naungusan ni Lacson sina Vice President Leni Robredo (12%) at anak ng dating pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. (8%) habang nakakuha ng halos magkakapantay na dalawang porsiyento ng boto ang iba pang mga kandidato sa pagkapangulo.

Samantala, nananatili pa ring malakas na kandidato bilang bise presidente si Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC), sa kabila ng pinal nang pagtakbo ng anak ng kasalukuyang presidente na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na may 14 porsiyento sa survey.

Bukod kay Duterte, nahigitan din ni Senate President Sotto sina Senador Kiko Pangilinan, Dr. Willie Ong, Walden Bello, at si House Deputy Speaker Lito Atienza.

Sa kabila nito, nauna nang sinabi ni Lacson na hindi lang siya magpopokus sa resulta ng survey dahil mas mahalagang maipaabot nila ng kanyang kapartido ang mga plataporma para sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng mga Online Kumustahan.