IPINAGDIRIWANG ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas City ang ika-26th cityhood at ika-116 taon pagkatatag kasabay ng mga inihandang aktibidad para sa mga residente.
Ayon kay Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar, iba’t ibang aktibidad ang inihanda para sa cityhood at founding anniversary nagsimula nitong Lunes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Isinasagawa ang health and wellness programs sa Verdant covered court kabilang ang libreng laboratory test sa FBS, cholesterol and blood typing, HIV screening, nutrition education, dental services, immunization para sa mga sanggol hanggang 59 na buwang gulang, pneumonia vaccines para sa senior citizens, family planning at chest x-ray.
Naghanda rin ng Cityhood mega job fair sa Robinson’s Place na prayoridad para sa mga residente na naghahanap ng trabaho na naaangkop sa kanila.
Nagsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng mga serbisyo sa pagtanggap ng mga aplikasyon at pagrerenew ng green card.
Mayroon ding libreng bakuna at deworming para sa mga alagang pusa at aso habang namahagi ng free seedlings at fertilizers sa Verdant covered court nitong Martes.
Magkakaroon din ng “Kasalang Bayan” (mass wedding) na inihanda ng lokal na pamahalaaan sa darating na Marso 31.
Isang cultural show din ang inihanda ng Las Piñas LGU na inorganisa ng Las Pinas Tourism and Cultural Office (TCO) na silang naglinya ng mga aktibidad na nagtatampok ng iba’t ibang kapistahan sa lungsod kasabay ng dalawang selebrasyon kasama ang presentasyon ng pamosong Banda Jose na naghandog ng kanilang exhibition at drill.
Ibinida rin sa pagdiriwang ng lungsod ang kilalang Sarao jeepney sa harapan ng city hall. MARIVIC
FERNANDEZ