(ni KAT MONDRES)
Kapag nagpaplano para magbakasyon o bumisita sa ibang lugar, isa sa mga dapat bigyang pansin ay kung magkano ang iyong budget. Hindi naman puwede na gumala na walang pinanghahawakang pera, ‘di ba?
Ang lugar na puwede mong puntahan ay dapat lamang na naaayon sa kung magkano ang iyong budget.
Marami kang puwedeng puntahan kapag ikaw ay nasa Metro Manila. Hindi mo na kailangan sumakay pa ng eroplano o barko para makarating sa mga magagandang lugar na swak sa budget mo na malapit lang sa Metro Manila. Maliit man o malaki ang budget ay sure na puwede ka nang gumalagala kung saan-saan. Hindi mo kailangan gumastos ng malaki. Maging praktikal, ‘ika nga. Maraming mga foreigner na rin ang nahumaling sa ganda ng Filipinas. ‘Yung iba ay nakararating na sa mga malalayong lugar sa bansa, ‘yung iba naman ini-explore ang mga siyudad.
Kapag ikaw ay naghahanap ng magandang lugar na puwedeng puntahan sa weekend, narito ang ilan na pasok sa budget mong P1,000:
MAGRELAKS SA TAGAYTAY
Ang Tagaytay ay kilala sa mga turista na gustong makawala sa maingay at nakapapagod na buhay sa siyudad.
Puwede kang bumiyahe ng dalawang oras, at makita ang magandang view ng Taal Volcano. Maraming parks din na puwedeng puntahan at huwag kalimutan na matikman ang masarap at mainit-init na Bulalo.
Marami ring hotels na puwede kang mag-check in overnight.
PUMASYAL SA RIZAL PARK
Kung gusto mong mag-relaks kahit nasa siyudad lang, puwede kang mamasyal sa Rizal Park.
Hindi mo na kailangang lumayo pa. Habang nagrerelaks sa Rizal Park, puwede ka ring magpa-picture malapit sa rebulto ni Jose Rizal.
MAG-FOODTRIP SA BINONDO
Ang Binondo ay kilala bilang Chinatown ng Manila. Pagdating pa lang ng Binondo, bubungad sa iyo ang magandang Binondo Church, at maraming mga Chinese store.
Isa sa mga patok na pinupuntahan sa Binondo ay ang mga pagkaing Chinese. Ito ay mura lamang at puwede ka pang mag-takeout para may pampasalubong sa pamilya.
BUMISITA SA QUIAPO CHURCH
Ang Quiapo Church ay isa sa mga sikat na simbahan sa Filipinas. Dito rin makikita ang rebulto ng Poong Itim na Nazareno.
Bumisita sa Quiapo Church at magkaroon ng oras upang manalangin sa Panginoon.
MANOOD NG MANILA BAY SUNSET
Hindi mo na kinakailangan ng budget para makapanood ng sunset sa Manila Bay. I-enjoy ang iyong meryenda habang nanoood ng sunset o kaya magkape habang nanonood ng sunrise naman.
MAG-SWIMMING SA BATANGAS
Ang Batangas ay kilala sa mga magagandang beach sa Filipinas. Ito ay 3 hour drive lang galing Metro Manila. Maraming mga resort ang puwede ninyong bisitahin sa isang araw lang, at puwede rin mag-overnight kapag kayo ay may dalang mga tent or magrenta ng transient house. Puwede rin kayong magpaluto sa natives doon, o kaya puwede rin kayong mismong mamalengke at magluto ng sarili niyong ulam. Mura lang ang bilihin sa Batangas.
Hindi mo kailangan gumastos nang malaki kapag ikaw ay magsu-swimming at mag-enjoy.
UMAKYAT SA MGA BUNDOK NG RIZAL
Ang hiking o pag-akyat ng bundok ay isa sa kilalang hobbies at interests ng tao sa ngayon.
Sa Rizal makikita ang mga bundok na puwede sa first timers.
Hindi magastos ang pagha-hike. Pagkain, tubig, at pambayad sa fees lamang ang iyong gagastusin doon at siyempre kinakailangan na ikaw ay palaban sa pag-akyat ng bundok.
‘Yung iba naman ay nagde-dayhike lamang, pero iyong iba ay nag-o-overnight para mag-abang ng sea of clouds at ma-enjoy ang view sa summit ng bundok.
Ilan lamang ang mga nabanggit na lugar sa puwedeng dayuhin nang hindi nangangailangan ng malaking halaga.
Kaya’t mag-enjoy na at magtungo sa mga nabanggit na lugar. (photos mula sa twomonkeystravelgroup.com, outoftownblog.com at en.wikipedia.org)
Comments are closed.