LAGUNA – IBA’T IBANG pakulo ang isinagawa ng mga lokal na opisyal sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.
Datirati o kinaugalian na ng mga nakatalagang lokal na opisyal na magsagawa ang mga ito ng libreng Kasalang Bayan sa kani-kanilang mga nasasakupan sa tuwing sasapit ang ganitong panahon o ang Araw ng mga Puso.
Layunin aniya ng mga ito para mabigyan ng pagkakataon na pormal na sumailalim sa idaraos na pag-iisang dibdib ang isang magkabiyak na matagal ng nagsasama, nagkaroon na ng mga supling at nananatiling hindi pa rin naikakasal.
Kaugnay nito, magkahiwalay na idinaos ang Kasalang Bayan sa bayan ng Pila at sa Liliw, Laguna.
Pinangunahan ni Liliw Municipal Mayor Erickson Sulibit ang naturang tradisyon kung saan umaabot sa mahigit na 20 pareha ang dumalo.
May libreng pagkain, regalo at pakimkim pa ang mga ito na kahalintulad din sa bayan ng Pila sa ilalim ni Municipal Mayor at kasalukuyang Pangulo ng Liga na si Edgardo Ramos kung saan dumalo naman ang nasa mahigit na 40 pareha at iba pang lokal na opisyal.
Samantala, sa hanay naman ng pulisya sa lalawigan ng Rizal, pinangunahan ni Rizal PNP Provincial Director PCol. Renato Alba at kanyang mga tauhan ang isinagawang panghaharana na dati na rin kinaugalian sa mga senior citizens, may kapansanan at mga residente sa bahagi ng Manila East Road, Taytay, Rizal bandang alas-7:00 ng umaga.
Bitbit ni Alba ang bulaklak at mga chocolate na ipinagkaloob ng mga ito kasunod ang pagbati ng Happy Valentines sa mga ito na labis nilang ikinatuwa.
Ipinapaabot din ni Alba sa mamamayan partikular sa mga kabataan na sana “No to Date Rape” para tuluyang makaiwas sa problema at sa posibleng kakaharaping kaso. DICK GARAY
Comments are closed.