KAPAG mainit ang panahon, maraming sakit ang naglipana. Dahil diyan, narito ang ilang tips na kailangan nating malaman nang maiwasan ang samu’t saring sakit na dala ng mainit na panahon:
BUNGANG-ARAW
Isa sa nangungunang sakit sa balat kapag tag-init ang bungang-araw. Nagkakaroon ng butlig-butlig na mapupula ang katawan kapag nakukulob ang sweat gland dahil sa matinding pagpapawis.
Para maiwasan ito, ugaliing maligo araw-araw at maglagay ng sunblock lalo na kung lalabas ng bahay. Magsuot din ng preskong damit.
Iwasan din ang pagbababad sa araw sa pagitan ng alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Makatutulong din ang paglalagay ng gawgaw o cornstarch sa balat.
DEHYDRATION
Isa ang dehydration sa sakit na puwedeng makuha kapag sobrang init ng panahon. Isa sa pinakamainam na solusyon upang maiwasan ito ay ang madalas na pag-inom ng tubig.
Kaya naman, kung lalabas ng bahay, siguraduhing may dala ka laging tubig.
Tiyakin ding malinis ang iniinom na tubig nang makaiwas sa sakit sa tiyan.
HEATSTROKE
Heatstroke ang isa pa sa mga sakit na pinakakaraniwan na may nakababahalang epekto sa kalusugan. Sinuman ay maaring maging biktima nito. Wala itong pinipiling edad.
Ilan sa sintomas nito ay ang mainit na balat, natutuyo at namumula. Pagkalito, halusinasyon, pagkaagresibo o pagiging mainitin ang ulo at marami pang iba.
Isa sa simpleng paraan para maiwasan ang heatstroke ay ang pag-inom ng maraming tubig at ang pag-iwas sa mainit na sikat ng araw. Huwag ding maglalagi sa masisikip na lugar.
SUNBURN
Ngayong panahon ng summer, marami sa atin ang gustong magtungo sa beach. Ang pagtungo nga naman sa beach ay isa sa kinahihiligan gawin ng maraming Pinoy. Pero kung minsan, sa sobrang pagbababad natin sa araw ay hindi natin namamalayang nasusunog na pala ang ating balat.
Ang sunburn ay isang radiation na sanhi ng pagkasunog ng ating balat dahil sa Ultra Violet Rays o UV Rays mula sa araw. Karaniwang senyales nito ay ang pamamaga, pamumula at pagbabalat ng balat.
Ito ay nakikita at nadarama ng hindi lalampas ng 15 minuto. Ang balat ay namumula ng 30 minuto o minsan ay 2-6 na oras.
Nadarama ang paghapdi ng 6-48 na oras at umaabot ng 24-72 na oras. Pagkatapos ay makikita ang pagbalat nito ng 3-8 na araw kasama na ang pangangati. Maraming paraan upang maiwasan ang sunburn gaya na lang halimbawa ng pag-iwas sa sikat ng araw, paggamit ng sunblock na may taglay na SPF para maproteksiyunan ang balat, pagkain ng mga pagkaing mataas ang taglay na Beta-Carotene at Lycopene dahil ang mga ito ay nakatutulong upang malabanan ang UV rays.
SORE EYES
Uso kapag mainit ang panahon ang sore eyes. Ito ay ang pamamaga ng talukap ng mata. Naiirita ang loob ng mata na nagiging dahilan ng pamumula. Sobrang kati rin nito kaya’t hindi ka mapalagay. Ang masaklap pa, madaling makahawa ang sakit na ito lalo na kung hindi ka maingat.
Maraming paraan upang maiwasan ito tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay at huwag manghihiram ng gamit ng iba lalo na sa taong may sore eyes. Dapat din panatilihing malinis ang bahay.
Ilan sa senyales nito ay ang pamumula, pamamaga, pagkairita at paghapdi. Ang pagmumuta at mahirap na pagbukas ng mata pagkagising ay mga senyales din ng nasabing sakit.
Ilan naman sa solusyon sa nasabing sakit ay ang paglalagay ng mainit na bimpo o kaya ng malamig na pipino para mabawasan ang pamamaga. Puwede rin itong hugasan ng malamig na tubig. Mabisa rin ang pag-inom ng mga katas ng gulay tulad ng carrots.
Kung hindi gumana ang mga nasabing paraan, komunsulta sa doctor para sa mas mabisang solusyon.
PIGSA
Pigsa rin ang isa pa sa sakit na matindi kung sumalakay ngayong tag-init. Hindi naman malubha ang pigsa. Gayunpaman, mahirap ang magkaroon nito lalo na’t masakit o makirot ang bahaging tinubuan nito. Maaari rin itong manganak kaya’t kinakailangang iwasan.
Ang pigsa ay galing sa bacteria Staphylococcus, na nabubuhay sa ating balat. Madalas tumubo ang pigsa sa leeg, mukha, binti at maging sa puwet. Mapula at malambot ang bukol ng pigsa at sa katagalan ay may lumalabas na nana at dugo.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng pigsa, panatilihing malinis ang katawan. Sa pagligo, gumamit ng sabon na nakatatanggal ng bacteria.
Marami na ngayong mapagpipilian sa merkado. Isa rin sa kailangang siguraduhin ay ang pagiging malinis ng kama, unan at kumot nang hindi dapuan ng naturang sakit.
Kung may pigsa naman, mainam kung papahiran ito o ibababad sa Povidone Iodine.
Maaari rin itong lagyan ng mainit na tuwalya. Huwag na huwag gagalawin o titirisin ang pigsa nang hindi lumala. At ang pinakamainam na gawin, komunsulta sa espesyalista.
BULUTONG
Ang chicken pox o ‘bulutong’ ay isang sakit na nanggagaling sa impeksiyon dulot ng virus na varicella zoster. Maaari itong tumagal ng 7-21 na araw bago lumabas ang mga sintomas.
Ilan sa sintomas nito ay ang pangangati, lagnat, at ang pamamantal ng balat. Kadalasang nagsisimula sa dibdib o tiyan ang pamamantal bago kumalat sa ibang bahagi ng katawan gaya ng leeg, mukha, braso at binti.
Mamumula ang mga pantal sa katawan at nagkakaroon ng tila tubig na tumatagal ng hanggang 10 na araw.
Madaling makahawa ang sakit na ito. Maaari kang magkaroon nito kung napadikit ang balat mo sa balat ng taong may bulutong. Malaki rin ang tiyansa sa pagkakaroon ng bulutong kung kasama mo sa silid o lugar ang taong mayroon nito.
Kaya para maiwasan ang pagkahawa nito, lumayo sa mga taong may bulutong.
Nagagamot naman ang bulutong. At kung sakaling mayroon ka nito, huwag kakamutin ang mga pantal nang hindi lumala ang kondisyon o impeksiyon.
Manatili lang din sa bahay nang hindi makahawa. Maging malinis din sa katawan.
Maraming sakit ang puwede nating makuha kapag mainit ang panahon.
Kaya para maiwasan ang mga ito, maging alerto tayo at maingat. Maging malinis din sa katawan. (photo credits: dairyherd.com, healthybuilderz.com, foxnes.com at doctordoctor.com.au)
Comments are closed.