IBA’T IBANG URI NG BARIL NAKUMPISKA SA PINAIIRAL NA COMELEC GUN BAN

LAGUNA – Naitala ang nakumpiskang iba’t ibang uri ng kalibre ng baril sa bahagi ng Police Regional Office 4A (PRO4A) Calabarzon sa loob ng mahigit na tatlong buwan kaugnay ng ipinapatupad na Comelec Gun Ban sa bansa.

Batay sa ulat ni Regional Public Information Officer (RPIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran kay Calabarzon PNP Director PBGen. Edward Carranza, umaabot sa 314 piraso ng iba’t ibang uri ng armas ang nasabat ng pulisya sa Calabarzon area matapos ang inilatag na Comelec Checkpoint noong nakaraang buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.

Pitumpu’t tatlo rito ang nasabat sa Cavite, 91 sa Laguna, 67 sa Batangas, 56 sa Rizal at 27 naman sa probinsya ng Quezon.

Bukod aniya rito ang nasa 1,396 na bilang ng mga isinukong baril for safe keeping na nagmula sa mga negosyante at politiko na pawang naitala na paso na ang mga lisensiya nito.

Sa harap ni CPNP PDGen. Oscar Albayalde, iprinisinta ni Carranza at ng kanyang mga tauhan ang lahat ng kumpiskadong iba’t ibang uri ng kalibre ng baril sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Calamba kamakalawa ng hapon.

Kasunod nito ang isinagawang Command Conference bilang paghahanda ng mga ito sa nalalapit na halalan sa buwan ng Mayo.

Ayon sa opisyal, nasa 20 ang naitalang Armed Group habang nasa 30 naman ang deklaradong mga lugar na kabilang sa Election hotspot.

Kaugnay nito, maglilibot aniya si Albayalde sa iba’t ibang rehiyon para matiyak aniya nito ang kahan-daan ng kanyang mga tauhan sa nalalapit na halalan.                                                    DICK GARAY

Comments are closed.