NAPAULAT ang pagkamatay ng isang mamamahayag sa kasagsagan ng laban ng Israel forcers at ng militant na Hamas sa Gaza Strip.
Ito ang patunay na sadyang mapanganib ang maging isang journalist na dahil sa trabahong maghatid ng kaganapan, sila pa ang nabibitiktima.
Lalo na sa mga lugar ng giyera at kalamidad gayundin ang paresponde ng awtoridad kung may nagaganap na krimen.
Dito sa Pilipinas, nang maganap ang Zamboanga siege noong 2013, naging mahigpit ang awtoridad sa mga nagko-cover na media.
Hindi dahil sa mayroong hindi nais na ipakita, kundi para maproteksiyonan ang buhay ng mga mamamahayag.
Seguridad at responsibilidad ang dapat tiyakin sa mga pagtugon at pagresponde kapag may kaguluhan.
Nauunawaan naman ito ng media practitioners subalit may ilan pa rin na nagpupumilit.
Sabi, journalism is a noble profession, pero mawawalan ng katuturan kung patay na.
Hindi naman maaalis sa mamamahayag na suungin ang mga delikadong eksena subalit paano maililigtas ang iba kung sarili ay hindi responsable sa mga gawi.
Mahalaga na habang nakatutugon sa tungkulin bilang mamamahayag ay alam din ang responsibilidad at pag-iingat.