UNTI-UNTI nang bumabalik sa normal ang takbo ng ating buhay. Isang patunay diyan ang kabi-kabilang face-to-face na mga Christmas party na inoorganisa at nakatakdang puntahan ng marami sa atin.
Matapos ang dalawang taon ng pagdaraos ng mga pagtitipon online, hindi kataka-takang marami ang sabik sa muling personal na pagkikita.
Bagaman maituturing na isang magandang bagay ang pagbabalik sa normal, dapat pa ring ipagpatuloy ang ibayong pag-iingat upang patuloy na makaiwas sa COVID-19. Kung ikukumpara noong kasagsagan ng pandemya, hindi hamak na mas maluwag na ang ipinatutupad na restriksyon sa kasalukuyan. Wala nang mga lockdown, hindi na rin mahigpit na ipinatutupad ang social distancing, at bukas na rin ang Pilipinas sa mga turista mula sa ibang bansa.
Opsyonal na rin ang pagsusuot ng face mask sa bisa ng Executive Order (EO) no. 7 kaya marami ang hindi na rin nagsusuot nito maliban na lamang kung nasa mga pampublikong transportasyon, pasilidad ng healthcare, at transportasyong pang-medikal gaya ng ambulansiya at rescue vehicle ng mga rehistradong paramedic. Upang patuloy na maging protektado, ako ay naniniwala na dapat pa ring ipagpatuloy ang pagsusuot nito lalo na kung mayroong sintomas gaya ng sipon at ubo.
Bilang epekto ng pagluwag ng mga protokol, marami ang tila nakalilimot na nariyan pa rin ang COVID-19 virus sa paligid at patuloy na nagkakaroon ng bagong strain. Mabuti naman na natututo na tayong mamuhay nang normal sa kabila ng pananatili ng pandemya subalit dapat siguruhin na hindi tayo magiging masyadong kampante sa sitwasyon lalo na’t papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.
Masuwerte tayo at walang bagong strain ng COVID-19 virus na kumakalat sa kasalukuyan kaya ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso kada araw ay hindi nangangahulugang muling mapupuno ang mga ospital.
Gayunpaman, kailangan pa rin nating maging maingat upang hindi na maulit ang nangyari noong Disyembre 2021 kung saan biglang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa Omicron.
Batay sa ulat ni OCTA Fellow Fredegusto P. David, tumaas nang bahagya ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa Metro Manila sa unang bahagi ng Disyembre. Ang positivity rate mula ika-27 ng Nobyembre hanggang ika- 3 ng Disyembre ay naitala sa 12.4%. Mas mataas ito kumpara sa 11.1% na naitala noong huling linggo ng Nobyembre. Sa katunayan, noong ika-11 ng Disyembre nasa higit 1,100 ang bagong kasong naitala ng bansa at halos kalahati nito ay naitala sa Metro Manila. Sa pagtataya naman ng Department of Health (DOH), maaaring tumaas sa halos 2,300 kada araw ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng taon.
Ayon sa pahayag ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea de Guzman, tila kampante na ang karamihan dahil kung patuloy ang mga Pilipino sa pagsunod sa minimum na protokol na pangkalusugan at pangkaligtasan, ang bagong kaso ng COVID-19 kada araw ay dapat manatili sa higit 400 lamang. Kung magpapatuloy ang mamamayan sa pagsasawalang-bahala sa mga protokol na ito, talagang muling tataas ang mga kasong maitatala ng bansa.
Bukod sa patuloy na pagsusuot ng face mask, isa pang mabisang paraan para mapanatili sa mababang bilang ang mga kaso ng COVID sa bansa ay ang patuloy na pagpapaigting ng programang pagbabakuna. Batay sa datos ng DOH noong ika-8 ng Disyembre, kasalukuyang nasa halos 74 milyong katao ang nakakumpleto ng bakuna laban sa virus at higit sa 21 milyon naman ang mayroon nang booster shot.
Napakalaki ng agwat ng bilang ng kumpleto sa bakuna at bilang ng mayroong booster shot. Kailangang patuloy na mahimok ang mga tao na kumuha ng booster shot dahil ang antas ng pagiging epektibo ng bakuna, anuman ang tatak nito, ay bumababa habang tumatagal kaya inirerekomenda ng mga eksperto ang pagkuha ng booster shot. Kung magkakaroon muli ng bagong strain, hindi magagarantiya ang proteksyon ng mga tao dahil sa mababang bilang ng mga mayroong booster.
Mabuti na ang sitwasyon ng ating bansa sa kasalukuyan. Muling nakalalabas na ang mga tao, pumapasok sa trabaho at nakakapasyal kaya’t muling lumalago ang ekonomiya. Kung tayo’y magiging kampante at magpapabaya, napakataas ng posibilidad na muling sisipa ang bilang ng kaso ng COVID-19 at baka mauwi sa wala ang lahat ng ating naging pagsisikap. Isang malupit na COVID-19 strain lamang ang tumama sa atin ay maaari nanaman tayong bumalik sa serye ng mga lockdown.
Kahit maluwag na ang sitwasyon, ugaliin pa rin nating proteksiyunan ang ating sarili lalo na ngayong bumabalik na rin tayo sa face-to-face na mga kaganapan at pagtitipon. Maging maingat pa rin sa mga nakakahalubilo at magsuot ng mga personal protective equipment o PPE gaya ng face mask. Hindi lamang sa pamahalaan nakasalalay ang ating patuloy na paglaban sa COVID-19 virus. Kailangan nating makiisa at gawin ang ating papel bilang responsableng mamamayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-iingat sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay.