SISIMULAN na sa KadiwaHulyo ang pagbebenta ng P29 kada kilo na ‘aging’ o nalulumang stocks ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa mga piling Kadiwa Center ng bansa.
Tiniyak namang ligtas kainin ng vulnerable sectors ng bansa na pinaglalaanan nito ang naturang mga bigas na umano’y lugi ng P9 kada kilo dito ang pamahalaan.
“Ang balak po ng Department of Agriculture(DA) sa susunod na buwan sa July, maumpisahan na ito .Sa lalong madaling panahon.Tayo naman po ang role natin ay makapagbigay ng initial stocks para po sa proyekto ng gobyerno,” pahayag ni NFA Administrator Larry Lacson sa isang panayam sa radyo noong Sabado.
Ayon kay Lacson, hanggang noong Biyernes, Hunyo 21, ay may naimbentaryo na ang NFA na 12,600 metriko toneladang ‘aging’ stocks ng bigas na maaari pa aniyang kainin.
“Meron po tayong naitala ngayon na puwedeng ibigay sa proyektong ito na 12,600 as of Friday. Kahapon pina-compute ko. 12,600 metric tons nationwide. Marami na po ‘yan. Kung ko-computin po natin ‘yan, nasa 200,000 bags of rice po ‘yan. Nationwide po ‘yan, kalat-kalat po ‘yan. Iba-iba po ang location. Initially po ‘yan po ang role ng NFA diyan to provide the stocks of rice na puwede naming ibigay sa DA or ibenta sa DA para po sila ang magbebenta.Dahil po sa mandato namin saka lang kami puwede mag-release sa calamities, emergencies, saka po ‘yung aging stocks before they become unfit for human consumption. Sa ngayon, sa panunungkulan po natin, wala pong mangyayaring ganun,” sabi pa ni Lacson
“Initially ‘yung P29 para sa vulnerable sectors ay gagawin lamang sa mga piling lugar na may Kadiwa Centers. Pero sa amin sa Department of Agriculture bilang tulong ang intensyon po nito ay talaga po namang maging nationwide. Pero kailangan i-pilot muna sa ibang mga Kadiwa Centers. Sa Metro Manila muna at mangilan-ngilan sa ibang karatig na probinsya,” dagdag pa ni Lacson.
Pinaalala ni Lacson na lImitado lamang sa vulnerable sectors ang pagbebenta ng naturang bigas na maaari nilang bilhin sa maximum na 10 kilos kada buwan.
“Sa ngayon, ganoon ang balak ng Department of Agriculture, 10 kilo kada pamilya kada buwan. Kasi sa totoo naman po ito ay proyekto ng gobyerno para maibsan lamang po ‘yung kahirapan, pagtaas ng presyo. Alam po naman natin ito ay may kaakibat na budget. ‘Pag nagpapatupad po tayo ng proyekto so tingin ko po kina-calibrate pa.Tinitingnan pa po .Malay pa po natin palawakin pa ng Department of Agriculture. Sa ngayon po 10 kilos per month,” aniya.
Ayon kay Lacson, itong tinatawag na ‘aging’ stocks o naluluma o Laon na tinatawag ay maaaring ibenta o i-dispose ng NFA sang-ayon sa mandato nito bago ang mga ito ay maging unfit for human consumption.
“Puwede po itong ibenta sa mga government agencies, local government units. Ito po ay ano lang, meron po tayong sinusunod na standards na kung nakatatlong buwan na ang bigas, puwede na natin siya i-consider as aging stocks,” sabi pa ni Lacson.
Subalit binigyang- diin ni Lacson na bagama’t tinawag itong ‘aging’ rice o nalulumang bigas na umabot na ng tatlong buwan sa bodega ng NFA, ang mga ito ay hindi pa talaga maituturing na naluluma na at hindi maituturing na expired at tiniyak niya na ligtas pang kainin ng mga tao.
“In reality, ‘yang tatlong buwan po na bigas, hindi po old stock ‘yan.Hindi po laon ‘yan. Ano lamang po. Sa papel lamang po nagsasabi na aging stocks ‘yan. Para po makategorya siya as aging stocks. Hindi naman po kami naglalabas ng bigas sa NFA, whether it’s regular rice natin na 0 to 3 months, 3 months and above na hindi nasuri. Tine-test ‘yan, kung pumasa sa parameters natin, fit for human consumption, saka lang namin inilalabas.Nakakasiguro po tayo na ilalabas sa proyektong ito na initially manggagaling po sa NFA ay good quality standard para sa kahit sinong Pilipino kahit po tayo,” giit pa ni Lacson.
MA. LUISA MACABUHAY- GARCIA