INIHAYAG ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Tina Cassion na sisimulan na ng ahensiya ang pamamahagi ng fuel subsidy sa PUV drivers at operators sa Martes, March 15.
Ayon Kay Cassion, aabot sa 377,000 PUV drivers at operators ang tatanggap ng P6,500 fuel subsidy.
Aniya, magpupulong ang LTFRB at ang mga opisyal ng Landbank upang maitakda ang guidelines sa gagawing distribusyon.
Nauna rito ay hindi na itinuloy ng apat na transport groups ang kanilang apela na P1 provisional increase sa minimum fare matapos na makipagpulong sa Department of Transportation (DOTr).
Nangako ang ahensiya na dodoblehin ang fuel subsidy funds para sa mga driver at operator sa P5 billion.
Dahil dito, tatanggap na ng P13,000 fuel subsidy ang bawat benepisyaryo na ipamamahagi sa dalawang tranches — ang una ay ngayong Marso na susundan sa Abril.
Ang mga transport group na nakipagpulong sa mga opisyal ng DOTr ay ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines(ALTODAP), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), at1-United Transport Koalisyon (1-UTAK). EVELYN GARCIA