MAKATATANGGAP ng P2,000 ang lahat ng mga election worker na nagtrabaho ng overtime matapos na makaranas ng aberya o iba pang problema noong May 9 national at local elections.
Ayon kay Commissioner George Garcia, partikular na makatatanggap ng dagdag allowance ay ang mga poll worker sa 2,308 precincts na nagkaroon ng pagpalya ng vote counting machines at SD cards.
Tinukoy ni Garcia ang mga miyembro ng mga electoral board, DESO staff, at support staff na pantay-pantay na makakakuha ng tig-P2,000 na dagdag honoraria.
“Ginawan na po namin ng paraan na kahit paano lahat po ng miyembro ng mga electoral board, DESO staff, support staff ay pantay-pantay makakakuha ng tig-P2,000,” ani Garcia.
Humingi naman ng paumanhin si Garcia dahil hindi maibibigay ng Comelec ang halagang hinihingi ng Department of Education bilang additional pay sa mga gurong nagsilbi nabg sobra-sobra na sa oras dahil sa mga naranasang isyu o problema sa proseso ng eleksiyon.
Ayon kay Election Task Force Head Atty. Marcelo Bragado Jr., hindi bababa sa 647,812 na personnel ng DepEd ang nagsilbing poll workers sa katatapos na halalan. Jeff Gallos