(Ibigay sa minamahal ngayong Valentine’s Day) BIGAS SA HALIP NA ROSAS

HINIKAYAT ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na bigyan ang kanilang mga minamahal ng bigas sa halip na rosas ngayong Valentine’s Day.

”Ang dapat iregalo natin sa Valentine’s Day sa ating mahal sa buhay, bigas, huwag na ‘yung flowers kasi di makain ‘yun. Matinik pati, kasi ang rosas matinik. Pero matamis ang bigas. Bigas pa more,” sabi ni  DA Undersecretary Roger Navarro sa sidelines ng isang press briefing sa Palasyo nitong Martes.

Binigyang-diin ng DA na may sapat na suplay ng bigas ang bansa na tatagal hanggang sa first half ng 2024.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang suplay ay magmumula sa inangkat kamakailan at sa inaasahang rice harvest sa Marso at Abril.

Ang Pilipinas ay tinatayang aangkat ng 3.9 million metric tons (MT) ng bigas ngayong taon, ayon sa United States’ Department of Agriculture (USDA).

Ang pagtaya ay ginawa ng USDA sa Grain: World Markets and Trade report nito na inilabas noong Biyernes.

Ang numero ay mas mataas sa naunang pagtaya na 3.8 million MT.

Batay pa rin sa pagtaya ng USDA, ang Pilipinas ay mananatiling top rice importer sa buong mundo ngayong taon.