NAGBABALA ang lider ng isang malaking fish grower sa Pangasinan na posibleng magkaroon ng shortage sa bangus kapag kalahati sa kanilang mga kasamahan sa industriya ay tumigil sa produksiyon dahil sa pagkalugi at krisis kung hindi ito reresolbahin ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Ang babala ay ginawa ni Christopher Sibayan, presidente ng Samahang Magbabangus ng Pangasinan, sa isang radio interview noong Hunyo 26, Miyerkoles, sa gitna ng pagpapahayag ng pagkabahala sa krisis na nararanasan umano nilang fish growers.
“Sa totoo lang po, ang bangus industry po natin ay humaharap po sa isang krisis ngayon. Lalo na po dito sa amin sa probinsya ng Pangasinan. And I will say that to the whole country as well. Dito po sa amin magkakaroon po kami ng harvest, dinadala po sa sa aming farm processing. Hindi po namin naaabot ang aming production cost o puhunan. So, imagine po magha-harvest po kami ang mga presyo po namin ay P90, P100, P110, hanggang P150, P120.Masaya na po kami kapag nakaka-P120 na kami,” sabi ni Sibayan.
Hinaing niya ay mura at palugi na bagsak nila sa mga kumukuha sa kanila subalit pagdating sa wet market o merkado ay sobrang taas ng presyo ng bangus na naibebenta sa mahigit P200.
“Nagsama-sama po kaming producers ng Pangasinan. Kahit papaano po ay madinig ang aming hiling para sa amin pong livelihood, pamumuhay. Ang production cost po kasi namin ay nasa P125 hanggang P145 depende sa pagpapalaki namin.’Yun nga po hindi man lang po tumatawid sa aming mga production cost ‘yun pong pagbebenta na namin ng aming produkto,” pahayag ni Sibayan.
Bagama’t sa kasalukuyan, aniya, ay masigla pa naman ang industriya ng pagbabangus dahil sila ay nakapagha-harvest naman, lubhang nangangailangan sila ng tulong sa pamahaalan upang hindi tuluyang bumagsak ang industriyang ito.
“Pero ‘pag nagtuloy-tuloy po ito ng ano, kasi ilang buwan na po e. Kaya po kami ay nagsama-sama na. And this has been happening for several years na. Four years to be exact. So sobra pong nababahala na po kami. If and when ‘di po ito natugunan, maaaaring kalahati po ng aming produksiyon, ang amin pong mga kasamahan na nagpapalaki po ng bangus ay maaari pong mawala. Ang maiiwan na lang po ay ang malalalaking tagapagpalaki po ng bangus,”paliwanag pa ni Sibayan.
“Sana po ay hindi dumating sa pagkakaroon ng shortage sa bangus. Pero kapag ganoon po ang magiging trend po ng ano natin, maaari pong dumating sa ganun. Kailangan na po talaga mag-intervene ng national government.”
“Maraming factors po kung titingnan. Kailangan po may emergency measures na po. Magkaroon na po ng floor price para sa ating mga bangus products. Kasi po sabi ko nga po, hindi man lang namin marating ‘yung pinakapuhunan namin ng pagbebenta,”dagdag pa niya.
Ayon kay Sibayan, kung nagagawa ng pamahalaan na proteksiyonan ang mga mamimili dahil nagatatalaga ito ng ceiling price, sana, aniya, ay magkaroon din ng intervention ang national government, kumilos para sa kanilang bangus growers tulad ng pagtatakda ng floor price para naman bumabalik sa kanila ang kanilang tubo.
Hinaing pa niya, nakakadagdag sa kanilang problema ang pakikipagkumpitensiya sa kanila ng mga imported frozen fish sa merkado upang lalong humina ang kanilang mga kita.
“In addition, ‘yung importation ng frozen aqua culture products isa rin ‘yan na malaking kalaban ng industriya ng pagbabangus. Sa totoo lang po ang BFAR at DA marami po silang programa. Ang tanong, bakit hindi ito naipatutupad. At hindi po namin nararamdaman na magbabangus all throughout the country. Naging self supporting po kasi ang magbabangus. And right now kung hindi po kami matutulungan ng gobyerno, sasabihin ko po sainyo malaki po ang malalagas sa aming mga kasamahan,” sabi pa niya.
Giit niya, malaki ang potensiyal ng bangus industry sa merkado at sa paglago ng ekonomiya ng bansa kung mapagtutuunan ng pansin at suporta ng pamahalaan.
“Malaki ang potensiyal lalo pa tayo ay napapaligiran ng maraming katubigan. Ang kulang lang po ay ang actual execution at implementation of the programs that were set up by the government na hinihintay namin. World- class quality po ang bangus sa Pangasinan. So ‘yun po ang hinihintay makarating sa global competitiveness ang aming produkto and at the same time marating po ang aming market dito sa ating nasyon,” dagdag pa niya.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA