NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na maaaring magkaroon ng food crisis sa bansa kung hindi aaksiyunan ng gobyerno ang patuloy na problema sa checkpoints na sanhi ng mabagal na delivery ng mga pagkain.
Nababahala si Gatchalian na tila hindi nasusunod ang food resiliency protocol na iminungkahi ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) ukol sa mabilis na pagdaloy ng food supply sa bansa.
Aniya, may iilang talipapa na ang nagbebenta ng karne ng kalabaw dahil sa kakulangan ng karne ng baka sa merkado.
Iginiit ng senador, dapat magkaroon ng malinaw na guidelines ang national government na siyang susundin ng mga lokal na pamahalaan sa mga checkpoint na siya ring magiging panuntunan ng mga pulis para pare-pareho ang galaw.
“Isa itong halimbawa ng kakulangan sa koordinasyon mula sa national government pababa sa mga lokal na pamahaalan, isama na riyan ang pulisya. Iba ang sinasabi sa taas pero iba ginagawa sa baba,” ani Gatchalian.
Aniya, maraming magsasaka at negosyante sa Benguet at iba pang probinsya na nahihirapan sa pag-deliver ng kanilang produkto dahil kina-kailangan nilang huminto sa pagkadami-daming checkpoint bago sila makarating sa Maynila.
Dagdag pa niya, mahigit 80 porsiyento ng highland vegetable requirements, gaya ng karot, cauliflower, broccoli, litsugas, at repolyo ay nagmumula sa Benguet.
“Tone-toneladang mga gulay na nabubulok ang dapat sana’y naipamahagi sa ating mga kababayan. Kung naipatutupad sana ng ilang local government units nang tama ang paghahatid ng mga pagkain sa mga pamilihang bayan, hindi na aabot sa puntong ganito,” ani Gatchalian.
Nauna nang nagbabala ang Philippine Association of Meat Processors, Inc. (PAMPI) ng shortage sa produkto ng karne sa kalagitnaan ng buwan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng checkpoints na sanhi ng pagkaantala ng raw materials sa manufacturing plants.
Ito rin ang sentimiyento ng poultry farmers kung saan nakaapekto ang ilang quarantine restrictions sa kanilang mga delivery. Anila, huwag lang daw magkatotoo ang bantang kakulangan sa supply sa loob ng isang buwan.
Ayon kay Gatchalian, maaaring samantalahin ng ibang negosyante ang kakulangan ng supply sa pagkain upang magtaas sila ng presyo ng kanilang bilihin.
Binigyang diin niya na layon ng food resiliency protocol ng DA na mapabilis ang daloy ng pangunahing agri-fishery commodities mula sa probinsya papuntang Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon. Kasama sa DA protocol ang malayang paggalaw ng mga magsasaka at mangingisda, mga empleyado ng food processing at manufacturing firms, at food supply chain logistics providers.
“Panahon na para ang mismong national government ay bumaba at tingnan kung ano ang nangyayari sa mga check-points at kung naipatutupad ba nang maayos ang mga direktiba. Hihintayin pa ba nating malugmok naman sa krisis ng kagutuman ang bansa? Dapat kumilos na tayo ngayon,” giit ni Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.