BINALAAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko laban sa cryptocurrency scams na lumalaganap sa social media platforms.
Sa isang statement, sinabi ng BSP na kailangang higit na maging mapagbantay ang publiko dahil sa pagtaas ng artificial intelligence (AI) na ginagamit upang gumawa ng pekeng audio at videos.
Ayon sa central bank, may ilang ginagamit ang pangalan ng mga opisyal at iba pang personalidad tulad ng mga negosyante upang makaakit ng mga tao na mag-invest sa cryptocurrencies.
“Perpetrators of these fraudulent activities post AI-manipulated content on social media to spread false information about organizations, officials, and persons, including the central bank and its personnel,” sabi ng BSP.
Binigyang-diin ng BSP na hindi ineendorso ni Governor Eli Remolona, Jr. ang umano’y cryptocurrency project “Tesler Code” o anumang cryptocurrency investment.
Nagbabala ito na ang anumang gawain ng pag-misrepresent sa BSP o sa sinuman sa mga opisyal o unit nito ay may karampatang parusa sa ilalim ng batas.
“To guard against this scam and other similar schemes, the BSP urges the public to remain vigilant and to refrain from providing personal information to unverified or suspicious entities,” ayon sa BSP.
Hinikayat din ng BSP ang publiko na beripikahin ang authenticity ng mga mensahe mula sa ipinalalagay na BSP officers o representatives at i-report ang kahina-hinalang aktibidad sa (+632) 8811-1277 o 8811-1BSP o mag-email sa central bank sa [email protected] at Facebook Messenger: www.m.me/BangkoSentralngPilipinas.
LIZA SORIANO