POSIBLENG tumaas pa ang presyo ng mga pro- duktong petrolyo sa mga susunod na linggo.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ito ay kung itutuloy ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang plano nitong bawasan ng dalawang milyong bariles kada araw ang produksiyon ng langis simula sa Nobyembre.
“Kapag nagbaba sila ng actual na 2 million, ano ang mangyayari? Ang sagot ko diyan, tutuloy-tuloy na ang increase. ‘Di ko alam kung hanggang kailan,” wika ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.
Sa unang araw ng trading sa world market noong Lunes, higit P5 na ang itinaas ng presyo ng imported diesel habang P1.50 naman sa gasolina at P4.60 sa kerosene.
Nitong Martes ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng big-time price hike sa diesel na P6.85 kada litro; gasolina, P1.20 kada litro; at kerosene, P3.50 kada litro.
Ayon sa DOE, hanggang Oktubre 4, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P14.45, P28.95 at P23.25 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.