NAGBABALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga jobseeker laban sa pekeng social media accounts na nag-aalok ng local at overseas career opportunities.
Hinikayat ng DOLE ang publiko na bisitahin ang official website ng ahensiya sa www.dole.gov.ph, ng PhilJobNet para sa local job postings sa www.philjobnet.gov.ph, at ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa overseas job orders sa www.poea.gov.ph.
Ito ay makaraang magreklamo ang isang jobseeker na nabiktima umano ng isang Facebook page na nagtataglay ng logo ng DOLE at nag-aalok ng trabaho sa Canada, Australia, Singapore, London, Calabarzon at Mimaropa para sa nurses, caregiver, managers at restaurant staff.
Napag-alaman na nagpadala ang biktima ng reservation fee na 1,000 sa isang nagpanggap na empleyado ng ahensiya.
Makaraang ipadala ang bayad, inayos umano ng naturang empleyado ng DOLE ang meetup sa DOLE headquarters sa Intramuros, Manila subalit hindi sumipot.
Ayon sa DOLE, inireport na nila ang page at nakipag-ugnayan sa Facebook para ipasara ang account.
Comments are closed.