(Ibinabala ng industry group) TAAS-PRESYO SA BABOY

POSIBLENG tumaas ang presyo ng baboy kasunod ng napaulat na mga pagbabago na isinagawa ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa  quotas at minimum access volume, ayon sa isang industry group.

Sa isang liham sa DA, nagpahayag ng pagkabahala ang Meat Importers and Traders Association (MITA) sa naturang mga pagbabago, tulad ng desisyon na limitahan ang share ng meat traders sa 40 percent ng MAV, habang ang mga processor ay nakakuha ng 60 percent, ayon sa report ng GMA News Online.

Tulad ng paliwanag ng DA, ang MAV ay ang quantity o dami ng isang agricultural product na pinapayagang pumasok sa Pilipinas sa in-quota tariff rate, o ang mas mababang rate ng custom duty na ipinapataw sa produkto.

“‘Yung mga maliliit na quota owners halos wala nang quota,” sabi ni MITA president emeritus Jess Cham.

“Siyempre pag kulang ang stock, siyempre tataas ang presyo. So unang una, kukulangin ang stock. Pangalawa, ang stock na mawawala ‘yung mga mas mura na puhunan. So lahat ng parating mas mataas ang puhunan.”

Nanawagan ang grupo sa DA na ibalik ang dating guidelines at hiniling na magkaroon ng konsultasyon bago ipatupad ang anumang pagbabago.

Naniniwala naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na walang dahilan para tumaas ang presyo ng baboy.

Ayon kay Executive director Jayson Cainglet, ang commitment ng Pilipinas sa  World Trade Organization ay ang umangkat ng 54,000 metric tons sa 35 percent tariff. Gayunman, ang bansa ay umaangkat ng hanggang 10 beses o mahigit  500,000 MT sa mas mababang taripa na 25 percent.

“Parang tinatakot na naman ang tao, sasabihin tataas ang presyo when in fact ‘yun naman ang tariff na nila dati pa eh,” aniya. “Three years ago na eh, mababa na. So kung talagang bababa ang presyo matagal na dapat bumaba ang presyo because of tariff reduction.”