(Ibinabala ng isang grupo)PRESYO NG ITLOG PAPALO SA P10-P15

ITLOG-5

POSIBLENG tumaas ang presyo ng itlog sa P10 hanggang P15 kada piraso sa mga susunod na linggo, ayon sa isang grupo ng mga magmamanok.

Sinabi ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines Inc. (AGAP) na ang price hike ay dahil sa taas ng production cost at mga kaso ng bird flu sa bansa.

Ibinunyag naman ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones na isa sa mga dahilan ng kakulangan sa produksiyon ng itlog ay ang oversupply sa mga nakalipas na buwan na nagresulta sa paghinto ng produksiyon ng mga egg producer para mabawasan ang kanilang pagkalugi.

“Yung pagmahal ng feeds, definitely tumaas ang cost. Last 14 months, mayroon kaming oversupply kaya mababa ang itlog kahit mahal noon ang mga ingredients. Ngayon, ang problema ngayon, dahil doon sa nagkalugi-lugi ‘yong mga layer farm owner, marami ang tumigil,” ani Briones.

“Kulang na nga, tinatamaan pa ng bird flu, kaya naniniwala ako na malaki ang magiging kakulangan ng itlog,” dagdag pa niya.

Napag-alaman na umabot ng 35 porsiyento ang oversupply ng itlog noong mga nakaraang buwan kaya may ilang tumigil sa pag-aalaga ng layers.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng itlog sa mga palengke ay nasa P5 hanggang 7 depende sa laki.

Ang itlog ay itinuturing na isa sa staple breakfast food sa bansa.

Pangunahing sangkap din ito sa paggawa ng tinapay, cakes at iba pang pastries.