POSIBLENG magkaroon ng rotational brownout sa Metro Manila at iba pang lugar kapag tumigil sa pagsusuplay ng koryente ang dalawang power plant sa Luzon, ayon sa Manila Electric Company (Meralco).
Ayon kay Meralco Regulatory Management head Ronald Valles, mangyayari ito kung hindi mapagbibigyan ang hirit ng Meralco at ng dalawang power plant na i-adjust ang kontrata upang masalo ang pagtaas ng presyo ng fuel na nagpapatakbo sa mga planta.
“Dalawa lang ang puwedeng maging impact nito sa mga consumer, kung wala kaming makuha e naturally magkakaroon nga ‘yan ng rotational brownout at kung may makuha naman kami mas malaki ang presyo, mas malaki ang babayaran ng customers kumpara doon sa kini-claim ng San Miguel na P5.25 billion,” sabi ni Valles.
Samantala, sinabi ni Energy Regulatory Commission (ERC) Commissioner Rexie Baldo-Digal na pag-aaralan nilang mabuti ang hirit ng Meralco at ng dalawang power plant para sa proteksyon ng mga consumer.
“Anumang inihain sa komisyon na mag-a-adjust ng taripa lalo na kung pataas di ‘yan ura-uradang iimplementa dahil inaaral ‘yan mabuti para sa proteksiyon ng mga consumers,” sabi ni Baldo-Digal.