(Ibinabala ng toxic watchdog) 7 SKIN PRODUCTS NAKAMAMATAY

NAGBABALA ang toxic watchdog BAN Toxics laban sa pitong China-made skin whitening creams na ibinebenta sa online shopping sites matapos makitaan ng mercury content.

Apat sa mga produkto na ito ang ipinagbawal na ng Food and Drug Administration (FDA).

Gamit ang Vanta C Series Handheld XRF Chemical Analyzer, ang mga skin lightening cream, na may presyo sa pagitan ng P80 at P264, ay natagpuang naglalaman ng labis na lebel ng mercury, na may mga antas na mula 115 hanggang 5,150 parts per million (ppm), na lumalagpas sa limitasyon ng regulasyon. Ang mga ito ay ang:

– JiaoLi HuiChuSu Face Cream 7 Day Specific Eliminating Freckle (banned na ng FDA)
– JiaoLi HuiChuSu Miraculous Cream (banned na ng FDA)
– Szitang 7-days Specific Whitening & Spot A-B Set Cream (banned na ng FDA)
– Szitang 10-day Whitening at Spot Day & Night Set (banned na ng FDA)
– BL Vterly Day and Night Retinol & Collagen Cream
– PEARL NATURAL Whitening & Anti-Aging Cream
– Day and Night Whitening Anti Freckle Melasma (Green)

Ayon sa World Health Organization Fact Sheet on Mercury and Health, ang mercury ay itinuturing na isa sa top ten chemicals na major public health concern.

Ang pagkakalantad sa kahit maliit na antas ng mercury ay maaaring magdulot ng malubhang problema sa kalusugan at banta sa pag-unlad ng isang bata sa utero at sa mga unang yugto ng buhay. Ang mercury ay maaari ring magkaroon ng nakalalason na epekto sa nervous, digestive, at immune system, gayundin sa baga, bato, balat, at mata.

“We are dismayed that skin lightening creams tainted with mercury continue to prevail in online markets despite regulations on the use of mercury in personal care products,” sabi ni Thony Dizon, Toxics Campaigner, BAN Toxics.

Pinaalalahanan ng BAN Toxics ang publiko na maging mapagbantay sa pagbili ng mga skin lightening cream na kinokontrol ng FDA upang maiwasan ang pagkakalantad sa nakalalasong mercury.
EVELYN GARCIA