IBINABALA NG TRANSPORT GROUPS: NATIONWIDE STRIKE

Efren De Luna

PAMBANSANG welga ng mga jeepney ang susunod na ilulunsad ng iba’t ibang grupo ng transportasyon sa bansa.

Ito ang ibinabala ni Efren De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO)  sakaling hindi pa rin pakinggan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board  (LTFRB) ang kanilang hinaing.

Sinugod ng ACTO ang LTFRB kasama ang mga miyembro ng PISTON ang LTFRB upang makipagdiyalogo hinggil sa jeepney modernization.

Nilinaw ni De Luna na hindi sila tutol sa jeepney modernization kundi sa mga inilatag na alintuntunin kung paano sila maka-kakuha ng pinansiyal na tulong para makabili ng modernong jeepney.

Ayon kay De Luna, marami sa mga maliliit na jeepney operators at dri­vers ang nangangamba na tuluyang mawalan ng ha­napbuhay dahil marami sa mga tumatakbo ngayong modernong jeepney ay pag-aari ng mga negosyanteng bagong pasok lamang sa sektor ng transportasyon.

“Kaya nga na­ngangamba kami kasi matatapos na ‘yung term na binigay nila na 3 years term na para sa PUV modernization, ay kahit isa sa amin sa buong Filipinas   na iba’t ibang samahan, wala pa namang nagsisimula. Kaya ‘yung mga nakikita natin sa telebisyon, ‘yan ‘yung mga bagong mukha na sinasabi ng mga negosyante na hindi nagmumula dito sa pinangakuan nila na tutulun-gan,” pahayag ni De Luna.

Hiling nito ay walang sapilitan dapat sa pagkuha ng mga modernong jeep dahil hindi naman kaya ng lahat na ito ay bayaran.

Sama-samang ibina­landra ng mga kasapi ng ACTO ang mga rehabilitated local manufactured na mga jeepney upang ipakita sa Regulatory Board na mas matibay, safe at non pullutant ang kanilang mga jeepney.

Giit ni De Luna na ang kanilang mga jeepney ay world class, safe at non pollutant higit sa lahat locally assembled at affordable ang presyo ‘di gaya ng mga imported na itinutulak ng goyerno na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.

Sinabayan din ni George San Mateo, President Emeritus ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operaytor (Piston) ang  transport strike ng ACTO.

Ayon kay San Mateo ang scheme na “one route, one franchise, one operator ayon sa LTFRB Memorandum Circular 2019-013 ay delubyo sa mga single-franchise operator at mga driver na nakikilabas lamang at walang mga sariling unit.

Iginiit pa nito na ang isa pang scheme na sapilitang franchise consolidation ay malinaw na pabor sa pag-take over ng mga giant corporation at businessman sa mga jeepney, franchise at routes.  DWIZ882 (May dagdag na ulat ni BENEDICT ABAYGAR, JR.)

 

Comments are closed.