(Ibinabala sa catastrophe insurance hike)KARTEL,TAAS-PRESYO SA BILIHIN

insurance commission

NAGBABALA si AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee na ang pagtataas sa minimum rate ng ‘catastrophe insurance premium’ ay magreresulta lamang sa pagkakaroon ng kartel at pagsipa sa presyo ng mga pangunahing bilihin, na lalong magpapahirap sa pamilyang Pilipino.

Bukod dito, sinabi ng kongresista na isang ‘anti-competitive policy’ ang nais ng Insurance Commission (IC) na magtakda ng minimum rate sa insurance premium at marapat lamang na masiyasat itong mabuti ng Kongreso.

“Paano ba nagko-compete ang mga non-life insurance companies?” Pataasan po ba o pababaan ng insurance premiums? Kung pababaan, then why does the Insurance Commission want to regulate the minimum rates of insurance premiums?” tigas na pag-usisa ni Lee sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries sa inihain niyang House Resolution No. 632 kamakailan.

“Setting the minimum rates of insurance premium is a form of price control. Sa pagtakda ng minimum rate, pinapaboran nito ang pagkakaroon ng cartel sa industriya ng insurance,” dagdag pa niya.

Ang HR 632 ay humihiling na maimbestigahan ng Lower House ang IC Circular Letter No. 2022-34, kasabay na rin sa pagkuwestiyon ni Lee sa pagnanais ng government insurance regulator na taasan ang minimum na singgil sa catastrophe insurance o ang insurance coverage para sa negosyo, bahay, kagamitan at iba pa mula sa natural disasters gaya ng lindol, baha, gayundin ng human-made disasters tulad ng riot o terrorist attack.

Sa nabanggit na pagdinig, sinabi ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Secretary Ernesto Perez na ang IC Circular Letter No. 2022-34, na siyang kautusan para sa pagtataas sa non-life o catastrophe insurance rate, ay nabigong sundin ang isinasaad ng batas para rito.

“It seems clear to me that the regulation imposing an increased rate did not only undergo a process of consultation but also did not observe the requirement of Regulatory Impact Assessment. Therefore, that regulation is legally vulnerable subject to attack in view of this failure to comply with this requirement,” pahayag pa ng ARTA head.

Bilang tugon, iginiit ni Lee na “wrong timing” ang polisiyang ito kung kaya ang panawagan din ng AGRI Party-list ay tuluyan nang ibasura ang nasabing rate increase o dapat ay “cancellation, not just suspension. Stoppage, not just postponement” ang maging aksiyon ng IC.

ROMER R. BUTUYAN