(Ibinabala sa gitna ng mahinang depensa ng bansa)BANTA SA NAT’L SECURITY NG CYBERATTACKS

NAGBABALA si Senador Raffy Tulfo sa kasalukuyang panganib sa pambansang seguridad ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng imprastraktura at teknolohiya ng bansa upang labanan ang hackers at cyberattacks.

Sa pagdinig ng Finance Subcommittee sa panukalang 2023 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga kalakip nitong ahensiya nitong Martes, Setyembre 20, idiniin ni Tulfo na mahina ang depensa ng Pilipinas laban sa cyberattacks mula sa mga dayuhang bansa na itinuturing tayong mga kaaway.

“I fear for my country, I fear for our people, I fear for my family, na baka isang umaga ay magigising tayo na iba na ang takbo ng Pilipinas. It is possible for foreign hackers to launch widespread cyberattacks to countries they perceived as enemies to create chaos,” ani Tulfo. Sinabi ito ng senador matapos kumpirmahin ng mga kinatawan ng DICT at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na mahina ang depensa ng Pilipinas laban sa cyber threats.

Nauna nang binalaan ni Tulfo ang DICT at CICC laban sa tinatawag na “watering hole” technique, na ginagamit ng mga hackers upang makahawa ng virus sa mga computer ng targets.

Nagbabala rin siya laban sa isang virus na tinatawag na “zombies,” na dati nang umatake sa mahigit 730,000 American computers kung saan ginawa nitong tila slaves ang computers upang magamit sa cyberattacks.

Binanggit din ni Tulfo ang grupo ng mga hacker na tinatawag na Hidden Lynx, na suspek sa mga high-profile cyberattacks sa buong mundo. Inatake na nito ang mga tech companies tulad ng Google, financial service providers, defense contractors, at mga ahensiya ng gobyerno.

Dahil sa mga ito, sinabi ni Tulfo na dapat maging mas maingat sa pagbili ng mga computer mula sa mga dayuhang bansa.

“Marami po ang maaapektuhan kapag nag-launch ang ibang bansa ng cyberattack against us. Kaya ng hackers sirain ang operations ng ating power grid, public utilities, government offices, and even military installations. Kaya dapat magiingat po tayo when it comes to procurement of computer systems,” ani Tulfo.

Dagdag niya, kaya ring maging target ng cyberattacks ang railway trains, communications, at banking and financial institutions.

Nagbabala siya na ang mga dayuhang hackers ay maaari ring makialam sa proseso ng halalan, tulad ng nangyari noong 2016 US election kung saan nagkaroon ng malawakang mali at malisyosong pagpapakalat ng impormasyon. Nagpahayag din ng pagkaalarma si Tulfo sa paglalagay ng cell towers na bahagyang pagmamayari ng dayuhang bansa, sa loob ng military camps dahil ito ay malaking banta sa national security ng bansa.

Ayon sa senador, nagbabala siya dahil nangyari na ang cyberattacks sa iba pang mas technologically-advanced na bansa, tulad ng cyberattacks sa electric grid ng Ukraine noong 2015 at British national health center noong 2017. Kung nangyari ito sa mga bansang ito, sinabi ng mambabatas na madali rin itong mangyari sa Pilipinas.

Sa gitna ng mahinang depensa ng bansa, sinabi ni Tulfo na umaasa siyang madadagdagan ang budget ng DICT at mga kalakip na ahensiya nito sa 2023. “Dapat talagang taasan ang budget ninyo para maprotektahan ninyo ang ating cyberspace against cyberattacks. Para ito sa kapakanan ng sambayanang Pilipino at para maprotektahan ang ating national security,” ani Tulfo.

VICKY CERVALES