(Ibinabala sa mga motorista) LICENSE PLATE SCAMMERS

Lto Plate number

HINIKAYAT ng Land Transportation Office (LTO) ang mga car owner na i-report ang mga indibidwal na nangangako ng hassle-free na pagkuha ng license plates sa halagang P200.

“Libre po ito kaya I am asking our kababayan to immediately report to us kung sino ang nanghihingi ng pera para makuha ang kanilang plaka dahil sisiguraduhin ko mismo na mapaparusahan ang mga taong ito,” pahayag ni LTO chief Vigor Mendoza II sa isang statement nitong Linggo.

Ayon kay Mendoza, sa halagang P200 ay sinasabi ng mga scammer na makakaiwas ang mga car owner sa mahabang pila sa LTO district offices at distribution sites.

“Meron na po tayong mga inihandang sistema para maging maayos, at mabilis ang distribution process,” ani Mendoza.

Dagdag pa niya, plano rin ng LTO na ipamahagi ang license plates sa malls.

Aniya, ang LTO office Sorsogon at Naga City sa Camarines Sur ay nagsagawa ng partial distribution ng replacement plates noong August 11.

Inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang isang website upang tulungan ang mga car owner na malaman kung puwede nang kunin ang kanilang bagong plaka.

Naunang iniulat ng Commission on Audit (COA) na may 1.79 million pairs ng license plates na nagkakahalaga ng mahigit sa P800 million ang hindi pa nakukuha sa LTO.