(Ibinabala sa pagpasok ng 2019) 2 ARAW NA TIGIL-PASADA

tigil pasada

NAGBABALA kahapon ang isang transport group na dalawang araw na tigil-pasada ang isasalubong nila sa pagpasok ng 2019  sa harap ng umano’y hindi makatarungan at malabong polisiya ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon.

Ayon kay PISTON President George San Mateo, ang pagparalisa sa transportasyon sa buong bansa ang sagot nila sa jeepney modernization program ng pamahalaan, na aniya ay mag-aalis ng karapatan sa maraming jeepney drivers at operators.

Nauna na ring inalmahan ng mga transport group ang biglaang pagtapyas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa minimum na pasahe sa jeepney nang walang konsultasyon sa kanila.

Humihingi naman ng diyalogo ang LTFRB sa PISTON bago nila isagawa ang pinaplano nilang transport strike.

Sinabi ni LTFRB executive director Samuel Jardin na sa kanilang pag-uusap ay makabubuo ang dalawang partido ng solusyon na makabubuti sa bawat isa, lalo na sa mga mananakay.

“Bago gagawa ng ganyang klaseng activity, kai­langang pag-usapan muna ito at hahanap tayo ng paraan para lahat makinabang,” wika ni Jardin bilang reaksiyon sa bantang two-day strike sa Ene­ro.

Sa ilalim ng modernization program, kailangang palitan ng mga operator ang kanilang mga lumang jeepney ng brand new units na Euro 4 emission standard compliant at nagkakahalaga ng P2 million bawat isa.

“Hindi makakayanan ng mga maliliit na operator ‘yung napakamamahal na mga unit na gusto nilang ipabili sa operators na nagkakahalaga ngayon na P1.9 million to P2.3 million,” pagbibigay-diin ni San Mateo.

Ipinanukala ni San Mateo  na payagan ng gobyerno ang mga lumang jeepney na makapasa sa emission standard  na bumiyahe, subalit sinabi ni Jardin na ang mga lumang unit ay hindi makalulusot sa Euro 4 emission standard.

“Sa Euro 4 compliance, wala. Hindi sila papasa,” ani Jardin, at idinagdag na ang Euro 4 emission standard compliant units ay makapagpapabawas ng polusyon ng 45 porsiyento.

Comments are closed.