(Ibinabala sa Senado)’DUMMY’ RECRUITMENT AGENCIES

NAGBABALA si Senador Jinggoy Ejercito Estrada laban sa mga umano’y dummy na Pilipinong may-ari ng placement agencies na nagrerecruit ng land-based overseas Filipino workers (OFWs).

Nanawagan si Estrada sa mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) na bantayang mabuti ang usaping ito bunsod ng kaso ng pagpaslang sa OFW na si Jullebee Ranara sa Kuwait at ang pagbawi ng lisensiya ng kanyang local recruitment agency.

Sa pagdinig sa Senado nitong Miyerkoles sa kaso ni Ranara, isiniwalat ni Estrada ang impormasyong nakalap ng kanyang tanggapan tungkol sa umano’y mga dayuhang nagmamay-ari ng mga placement agency, isang bagay na ipinagbabawal sa mga alituntunin sa pagbibigay ng lisensya at regulasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ng Labor Code of the Philippines.

“Baka masyadong matrabaho para sa komite na ito na ipatawag ang lahat ng incorporator o ang board of directors ng mga recruitment agencies. Siguro pakiusapan na lang natin ang DMW na suriing mabuti ang mga recruitment agency, kung ang mga proprietor ng mga ito ay may financial capability para patakbuhin ang operasyon ng kompanya,” ani Estrada.

Batay sa impormasyong natanggap niya, sinabi ni Estrada na common knowledge na sa industriya na ang ilang Pilipino ay pumapayag na maging “dummy” incorporators ng ilang recruitment o placement agencies na nagpapadala ng OFWs sa ibang bansa.

Nagpahayag ng pagkabahala ang senador lalo na’t ilan sa mga sinasabing foreign-owned recruitment agencies ay may pananagutan sa deployment ng mga distressed OFWs gaya ng kaso ni Ranara na naging paksa ng kanyang privilege speech noong Enero 24.

Sa ilalim ng Labor Code, tanging mga Pilipino bilang sole proprietors lamang ang pinapayagang mabigyan ng lisensya para makapag-operate ng placement agencies na may minimum capitalization na P5 million.

Sinabi ng mga opisyal ng DMW sa mga senador na kapag binawi o nakansela ang lisensya ng mga recruitment agency dahil sa iba’t ibang paglabag, lahat ng mga opisyal nito, board of directors, at incorporators ay inilalagay sa derogatory list at hindi na kwalipikadong lumahok o magsagawa ng anumang recruitment activities.

Si Ranara ay sinunog at natagpuang patay sa disyerto ng Kuwait noong Enero 21 at ang suspek sa likod ng karumal-dumal na krimen ay ang 17-anyos na anak na lalaki ng kanyang amo.

Napag-alaman ng DMW sa kanilang inisyal na pagsisiyasat na nabigong sumunod sa mandatory monitoring requirements ang lokal at dayuhang recruitment agencies ni Ranara, dahilan para mabigo silang matiyak ang kanyang kapakanan.

VICKY CERVALES