(Ibinabala sa Taal lockdown) PRESYO NG TILAPIA SISIPA

TILAPIA-2

NANGANGANIB na tumaas ang presyo ng tilapia kapag nagpatuloy ang lockdown sa Batangas at hindi naalagaan ang fish cages, ayon sa mga mangingisda.

Dumulog na sa Department of Agriculture (DA) ang mga tilapia grower ng Batangas para umapela na mabigyan sila ng window hours upang alagaan ang kanilang mga isda.

Ayon sa report, nasa 6,000 tilapia cages sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel, Talisay, San Nicolas, at Cuenca ang apektado ng lockdown sa gitna ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Ang limang bayan ang coastal towns na nakapalibot sa Taal Volcano.

Mismong ang Taal Lake Aquaculture Alliance ang lumapit  sa DA para sila ang mamagitan sa mga mangingisda at sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa grupo, kailangan nila ng 4 na oras na window hours kada araw para i-harvest ang mga isda, pakainin ang mga ito, at ayusin ang mga sirang kulungan.

Sinabi naman ni  Agriculture Secretary William Dar na kaila­ngan talaga ng window hours at susubukan daw niyang makipag-usap sa lockdown authorities na nagbabantay sa mga bayan.

Kapag hindi binigyan ng window hours ang tilapia growers, posibleng mamatay umano ang mga isda at mawalan ng ha­napbuhay ang nasa 12,000 nakikinabang dito.

Comments are closed.