IBINEBENTANG VACCINES INAALAM KUNG SMUGGLED

INIHAYAG ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na ‘mukhang tunay’ ang mga COVID-19 vaccines na natuklasang ilegal na ipinagbibili sa bansa.

Gayunman, sinabi ni Domingo na hindi pa rin maaaring gamitin ang mga ito dahil walang garantiya kung tama ang handling nito at kung ito ba ay naiimbak sa tamang temperatura.

Ipinaliwanag ni Domingo na ito’y dahil ang packaging ng ilan sa mga ito ay bukas na at may isa pang video kung saan makikita na ang mga bakuna ay nakaimbak lamang sa isang cooler sa loob ng isang sasakyan, gayung kinakailangan aniya itong ilagay sa isang storage facility na may tamang temperatura.

“Hindi na maaaring gamitin ‘yan… Hindi mo na kasi alam ‘yung integrity ng cold chain, ng pagha-handle niyan at ‘pag ganyang merong doubt, hindi na po natin pinapayagang gamitin sa tao ang ganyan po na mga bakuna,” ayon pa kay Domingo, sa panayam sa telebisyon.

Kaugnay nito, tiniyak ni Domingo na tinutunton na ng mga awtoridad ang source ng mga bakuna upang matukoy kung ang mga ito ay smuggled lamang o kinuha mula sa suplay ng pamahalaan.

Nanawagan din siya sa publiko na kaagad na isumbong sa kanilang tanggapan kung sila ay may nalalaman o kilalang mga COVID-19 vaccine vendors.

Nauna rito, tatlong katao ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa ilegal na pagbebenta ng COVID-19 vaccines.

Ang pagbebenta ng naturang bakuna sa bansa ay hindi pa pinayapagan dahil wala pang market authorization na iniisyu para rito ang FDA. Ana Rosario Hernandez

2 thoughts on “IBINEBENTANG VACCINES INAALAM KUNG SMUGGLED”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *