DALAWANG tulog na lang, aba’y halalan na.
Handang-handa na naman ang lahat.
Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ay kapwa nagpahayag na hindi dapat pangambahan ang seguridad ng nalalapit na eleksiyon.
Nasa huling yugto na kasi ang paglalatag ng mga mekanismong magbibigay-daan para sa isang tapat, maayos at mapayapang botohan.
Maagang bumalangkas ang AFP ng mga dapat isakatuparan ng unified at division commanders sa buong bansa.
Ang mga hepe nila ay naatasang rebisahin ang nakalatag na security measures sa kani-kanilang area of responsibility (AOR), partikular sa mga lalawigan, lungsod o munisipalidad na pasok sa kategorya ng areas of immediate concerns.
Sa panig ng PNP, kumpiyansa rin itong magiging maayos ang Mayo 9 polls bunga ng mas pinaigting na ugnayan sa pagitan ng PNP-Directorate for Integrated Police Operations at iba’t ibang unit commanders ukol sa deployment ng mga alagad ng batas.
Sinasabing nasa 40,000 PNP uniformed personnel ang nakatakdang i-deploy para sa takdang araw ng halalan.
Kasado na rin ang seguridad sa lahat ng rehiyon habang itinataas ang security alert levels sa iba’t ibang lugar.
Sa kabila ng ilang election-related cases na nangyari, aba’y nakabibilib naman ang pangunguna ng Commission on Elections (Comelec), AFP at PNP sa paglagda sa ilang peace covenants.
Kasama rin sa mga lumagda ang maraming kandidato sa iba’t ibang bayan at lungsod.
Kung hindi ako nagkakamali, 12 lugar sa mga lalawigan ng Maguindanao at Lanao del Sur sa Mindanao ang posibleng isailalim sa Comelec control bunga raw ng intelligence reports hinggil sa tensiyon sa pagitan ng mga magkakatunggali sa politika.
Maraming eleksiyon na ang nangyari sa Pilipinas mula nang maibalik ang demokrasya noong 1986.
Gayunman, hanggang sa ngayon, marami pa rin ang hindi nag-iingat sa pagpili ng iluluklok sa puwesto.
Ang ilang botante, kung kailan nasa presinto na, saka pa lamang mag-iisip ng mga iboboto.
Aba’y madalas mangyari iyan sa mga botanteng Pilipino.
Kaya sa darating na Lunes, naku, dapat alisin na natin ang pag-uugaling ito at nararapat na kabisado na ang lahat ng iboboto bago umalis sa bahay.
Sabi ko nga, mas maiging gumawa ng listahan ng mga kandidato para ita-transfer na lamang ito sa balota sa pamamagitan ng pag-shade sa mga ito.
Kung hindi ka handa at walang listahan, magdudulot lamang ito ng pagkalito.
Madalas, kapag wala nang maisip, ay ang mga pamilyar na pangalan na lamang na madalas makita o marinig sa advertisement sa TV, diyaryo, at radyo ang iboboto.
Hindi na tuloy naisisigaw ng konsensiya ang maiboboto, bagay na pabor sa mga kandidatong wala namang karapatang maupo sa puwesto.
Tila masasayang lamang ang karapatan kaya mahalagang malaman ng botante ang taong iboboto.
Huwag din tayong maniniwala sa mga fake news laban sa ilang kandidato.
Maraming beses nang nangyari sa mga nakaraang halalan na ibinoboto ang mga mukhang maamong tupa at kapag nailuklok na ay mas masahol pa sa mabangis na leon at buwaya.
May mukhang marangal naman o malinis pero tiwali rin pala.
Muli, maging maingat sa pagpili ng mga taong iboboto sa darating na Lunes, Mayo 9,2022.
Isipin ng maraming beses kung ang iluluklok sa posisyon ay hindi naninira ng kapwa kandidato, talagang karapat-dapat o matalino, at siya ring pinaniniwalaan mong magbabangon muli sa ating bayan.