ICC IBINASURA ANG APELA NG PH GOV’T NA ITIGIL ANG DRUG WAR PROBE

IBINASURA ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na itigil na ang pag-iimbestiga sa kampanya ng nagdaang administrasyon laban sa droga.

“The Appeals Chamber rejects the request of the Republic of the Philippines for suspensive effect of the aforementioned decision of Pre-Trial Chamber I,” ang desisyon ng ICC na may petsang Marso 27.

Marso 13 nang umapela ang Office of the Solicitor General na mabaligtad ang desisyon ng Pre-Trial Chamber ng ICC noong Enero na ituloy ang pag-iimbestiga sa ikinasang “war on drugs” ni dating Pangulong Duterte.

Kabilang sa kinuwestiyon ni Solicitor General Menardo Guevarra ang hurisdiksyon ng ICC na hindi nito miyembro ang Pilipinas.

Sa naging desisyon naman ng ICC, sinabi na nabigo ang Pilipinas na ipaliwanag ang kawalan ng hurisdiksyon.

Hindi rin binigyan ng bigat ang katuwiran ng OSG na ang pag-iimbestiga ay may implikasyon sa mga suspek, testigo at biktima.

Binigyang diin ng ICC na maari namang ituloy ng Pilipinas ang sariling pag-iimbestiga sa madugong kampaniya kasabay nang pag-iimbestiga ng ICC Pre-Trial Chamber.