ICC REPRESENTATIVES ‘DI MAKAKAPASOK SA PINAS

ICC

HINDI makakapasok sa bansa ang mga representante ng International Criminal Court (ICC) kung magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y extra judicial killings at human rights abuses na pilit iniuugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang ginawang pagtiyak kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo makaraang kumalas ang Filipinas sa ICC epektibo noong Marso 17, 2019.

Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Panelo na malinaw na pakikialam sa sovereignty ng bansa ang gagawing imbestigasyon ng ICC dahil gumagana naman aniya ang mga legal na proseso sa bansa.

“You can’t do it (investigation) here. If you persist, you will be deported because you will be violating certain (laws),” wika ni Panelo.

Ayon kay Panelo hindi kailanman papayagan ng administrasyong Duterte na makialam ang sinuman sa sovereignty ng bansa.

“Because when you try to subject a country to your jurisdiction, then you’re interfering with that country because we have our own courts here. We can prosecute anybody if we feel some violators or transgressors of the law,” giit ni Panelo na siya ring kasalukuyang chief presidential legal counsel.

Sinabi ni Panelo na maayos  na  ginagampanan ng mga korte sa bansa ang kanilang trabaho sa mga kaso ng pagpatay at paglabag sa karapatang pantao.

Sa sandaling magpumilit ang mga taga-ICC na pumasok sa bansa upang mag-imbestiga ay tiyak na hindi sila papayagang makapasok at walang ibang magagawa ang pamahalaan kung hindi ipa-deport sila sa pinanggalingang bansa.

Subalit kung darating sila sa bansa bilang mga turista ay papayagan naman silang makapasok.

Mariing iginigiit ng administrasyong Duterte na hindi naman  naging miyembro ng ICC ang Fi­lipinas sa kabila ng ratipikasyon ng Rome Statute na nagtatatag sa naturang war crimes court dahil sa kabiguang mailathala sa Official Gazette o pahayagan na may pambansang sirkulasyon.

Sa kasalukuyan ay may dalawang reklamo kaugnay sa umano’y crimes against humanity ang isinampa laban kay Pangulng Duterte sa ICC kaugnay sa madugong  kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga sa bansa.   EVELYN QUIROZ