ICE PLANT SA NAVOTAS NAG-LEAK NA NAMAN

Ammonia Leak

MULI na namang nagkaroon ng ammonia leak ang isa sa mga ice plant na ikinabahala ng mga residente sa Navotas City nitong Sabado ng gabi.

Sa report ni Cpl Dandy Sargenton kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, naganap ang insidente sa Magsimpan Ice Plant and Cold Storage Inc. na matatagpuan sa kahabaan ng M Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City bandang alas-9 ng gabi.

Ayon kay Roey Ganzo, nasa hustong gulang at in-charge maintenance ng naturang planta ng yelo, habang naglilinis siya ng natitirang liquid sludge nang mapansin ang malakas na amoy ng ammonia sa loob ng residential area ng nasabing ice plant.

Kaagad silang umalis sa loob ng naturang lugar saka humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Navotas police.

Mabilis namang rumesponde sa naturang lugar ang Navotas Police Sub-Station 4, at Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni F/Insp. Gabriel Trinidad.

Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa insidente habang ayon kay BFP investigator SFO2 Junie Bert Mendoza patuloy ang kanilang further imbestigasyon sa nasabing insidente. VICK TANES