IDEYA NG PAGBIBIGAY NG INSENTIBO SA FULLY-VACCINATED INDIVIDUALS SUPORTADO NI SEN. GO

NAGPAHAYAG  ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa mga mungkahing humihikayat sa pamahalaan na magkaloob ng insentibo sa mga fully-vaccinated individuals upang mahikayat ang mas marami pang Pinoy na magpabakuna na.

Ayon kay Go, makatutulong rin ito na mawala ang pagdadalawang-isip o hesitasyon at takot ng mga mamamayan sa pagpapabakuna, at magkaroon sila ng kumpiyansa sa national vaccine program ng pamahalaan.

“We welcome that… Welcome naman po ‘yung magbigay ng incentives… para ma-encourage po… Why not? Wala naman pong masama na ma-encourage po ‘yung mga Pilipino na magpabakuna,” pahayag ni Go sa isang ambush interview matapos ang isinagawang monitoring visit sa Malasakit Center sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte.

“Kanya-kanya pong gimik ‘yan, kanya-kanya pong pag-i-encourage sa mga Pilipino para magpabakuna na po sila. ‘Yun po ang importante rito na magpabakuna na, ma-encourage po at huwag matakot ‘yung Pilipino sa bakuna,” dagdag pa ng senador.

Sinabi pa ni Go na kasalukuyan na ring pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na magkaloob ng insentibo sa mga fully vaccinated individuals.

“Pinag-aaralan na po ng gobyerno sa ngayon kung bakunado ka, mas magiging maluwag ‘yung mga patakaran sa’yo. Maaaring puwede ka nang pumunta sa lugar na ‘to kasi bakunado ka na, puwede ka nang mag-travel, puwede ka nang mag-avail ng ganito kasi bakunado ka na at protektado ka na. Pero pinag-aaralan pa ‘yan ng gobyerno sa ngayon. Wala pang kasiguraduhan.”

Binati rin niya ang local government units (LGUs) na nagpapatupad ng mga malikhaing pamamaraan para hikayatin ang kanilang mga constituents na magpabakuna.

Kasabay nito, muli ring pinaalalahanan ng senador ang mga vaccinated Filipinos na kumpletuhin ang kanilang bakuna upang makamit ang buong proteksiyon nito laban sa COVID-19.

Samantala, binalaan rin ng senador ang mga mamamayan na huwag maging kampante o maging pabaya dahil dumarami na rin ang mga kaso ng sakit sa labas ng NCR Plus area, partikular na sa ilang Visayas at Mindanao.

Paalala pa niya sa mga mamamayan, upang tuluyan nang mapigilan ang pagkalat ng virus ay manatiling tumatalima sa ipinaiiral na health guidelines at protocols ng pamahalaan.

Dagdag pa ng senador, “’Pag na-achieve natin ‘yung herd immunity sa community,… maaaring puwede na tayong bumalik sa normal nating pamumuhay.”

4 thoughts on “IDEYA NG PAGBIBIGAY NG INSENTIBO SA FULLY-VACCINATED INDIVIDUALS SUPORTADO NI SEN. GO”

Comments are closed.