IDINEKLARA NG MAYNILA: AUG. 4 BILANG ‘CARLOS YULO DAY’

IDINEKLARA ng lungsod ng Maynila ang Agosto 4 bilang ‘Carlos Yulo Day’ ang double gold Olympic medalist na residente ng Leveriza sa Malate, Manila ay nakatakdang parangalan sa Manila City Hall sa Lunes, Agosto 19.

Ito ang napag-alaman mula kay Mayor Honey Lacuna na nagsabi na sila ni Vice Mayor Yul Servo ay nasa proseso na ng paghahanda para sa dalawang mahahalagang pagtitipon para bigyan ng pagkilala ang  true-blue Manileño na nagdala ng karangalan hindi lamang sa mga kapwa Manilenos kundi sa buong bansa.

Ayon kay Lacuna, ang Manila City Hall ay magsasagawa ng programa para parangalan si Yulo at ipagkaloob sa kanya ang  cash incentive na nagkakahalaga ng P2 million.

Nabatid pa na ang schedule ni Yulo ay loaded kaya naman ang awarding ay gagawin na lamang sa Lunes.

Nabatid pa mula sa alkalde, isa pang Manileño na si EJ Obiena ay pagkakalooban din ng cash incentive na nagkakahalaga ng  P500,000.

Gayunpaman, ang cash incentive ni Obiena ay ibibigay nang mas maaga dahil pupunta pa ito sa ibang bansa sa Huwebes.

Sinabi pa ng alkalde na ang planong ‘Carlos Yulo Day’ sa lungsod ng Maynila ay working holiday at ang petsang napili na  Agosto 4 ang siyang araw kung saan unang nanalo ng gintong medalya si Yulo.

Ang deklarasyon ng nasabing holiday sa pamamagitan ng isang resolution ay ginagawa na ng Manila City Council sa pangunguna ni Servo bilang Presiding Officer.

VERLIN  RUIZ