CAMP AGUINALDO – MAY mag-asawang Egyptian ang sinasabing nakapasok na sa area ng Sulu para magsagawa ng pagpapasabog at target ng mga ito ang dalawang simbahan sa nasabing lalawigan.
Ito ang intelligence information na ibinahagi sa media kahapon ni Prof. Rommel Banlaoi, Chairman of the Philippine Institute for Peace and Violence at Terrorism Research Professor.
Ayon kay Professor Banlaoi, misyon ng dalawang Egyptian na isakatuparan ang inatas na pagpapasabog sa designated target na ibinigay sa kanila.
Bukod dito ay layunin din umano ng mga ito na hikayatin ang mga local terrorist na magsagawa ng suicide bombing.
“They are here to really carry out the instruction of the Islamic state to conduct intermittent bombing operations in the Philippines and to encourage the locals to conduct suicide bombings as their most effective weapons for jihad,” ani Banlaoi.
Ang sinasabing dalawang Egyptian couple ay may kaugnayan din umano sa Indonesian couple na nagsagawa ng suicide attack sa Jolo Cathedral noong nakaraang taon na kumitil ng pito katao.
Kasalukuyang bina-validate ng militar at pulisya ang nasabing ulat hinggil sa panibagong suicide bomber na nakapuslit pa-pasok ng Filipinas at umano’y kinukupkop ng Abu Sayyaf group sa ilalim ng pamumuno ni Hajan Sawadjaan.
Nabatid na suportado umano ang mga ito ng iba pang foreign terrorists.
Samantala, puntirya umano ng mga mga dayuhan ang Mt. Carmel of Mary Immaculate at Saint Therese of the Child Jesus Church sa Brgy. Bus-bus, Jolo, Sulu at isasagawa ito ng Egyptian couple na kinilalang si alyas Abu Abdurahman at asawa nito.
Magugunitang may tatlong insidente na ng suicide bombing ang naitala ng awtoridad kabilang na ang pinakahuling pagsabog na isinagawa umano ng isang Filipino suicide bomber ang nangyari sa gate ng Army First Brigade Combat team, na ikinamatay ng walo katao.
Una rito inihayag ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na patuloy pa rin nilang pinaghahanap ang ilang trained bombers na nakapuslit sa bansa.
“Kasi mayroon pa tayong foreign terrorists na hinahanap na trained suicide bombers, hangga’t ‘di natin nanu-neutralize itong mga ito hindi natin masasabing safe talaga completely ‘yung ating key cities in Mindanao,” paliwanag pa ng opisyal. VERLIN RUIZ/BENEDICT ABAYGAR JR.