IGIIT ANG GENDER EQUALITY SA TRABAHO

NI Bakit feeling mo, biased ang manager mo sa’yo? Bakit alam mo namang capable ka, hindi mo makuha-kuha ang promotion na matagal mo nang hinihintay? Mawawala ba ‘yon kung mabubuntis ka? Grabe, nabuntis lang nawala na ang promotion! Bwiset sila!

Sa Pilipinas, alam naman nating mataas talaga ang pagtingin sa mga babae. Kaya nga mayroon tayong Pricesa Urduja, Gabriela Silang, Tandang Sora – to name a few. Nagkaroon pa nga tayo ng dalawang woman president – sina Cory Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo. May mairereklamo pa ba tayo? Kahit noong bago pa dumating ang mga Kastila, mataas ang pagpapahalaga natin sa kababaihan. Hindi katulad ng ibang monarkiya, ang kababaihan natin ay pwedeng maging hara ng nasasakupan ng Rajah o Datu kung walang tagapagmanang lalaki, at tinatanggap ito ng mga tagasunod na walang pagtutol. Kahit ang liga ng mga nakatatandang nagsisilbing adviser ng Rajah ay may babae, at pinakikinggan ang kanilang tinig.

Nang dumating ang mga Kastila, bahagyang nagkaroon ng pagbabago. Nasantabi ang kababaihan at nawalan ng tinig sa mahigit na 300 taon – ngunit ang hindi alam ng mga Kastila, sa kanilang likuran, kumikilos ang talino ng kababaihang Fili­pina gamit ang kanilang mga ama o asawa. Kulang man sila sa edukasyon dahil ipinagkait ito sa kanila, hindi pa rin mapipigilan ang likas na talinong meron sila.

Sa panahon ngayon, malaking balakid sa promotion ng isang babae ang pagkakaroon ng maliliit na anak. Katwiran ng pamunuan, mahahati ang atensyon ng empleyadong babae sa trabaho at sa mga anak.

Isang kasamahan ko sa trabaho noong nasa Pilipinas pa ako ang nabuntis sa bunso niyang anak habang naghihintay ng promotion para ma­ging team leader sa isang BPO company. Hindi niya nakuha ang promotion dahil nanganak siya at nag-maternity leave ng 90 days. Nakipagdebate siya sa kanyang supervisor ngunit walang nangyari dahil may nakakuha na sa posisyon. Katwiran ng supervisor, urgent ang pagkakaroon ng team leader at hindi nila mahihintay ang co-worker ko.

Masakit tanggaping dahil lang nanganak ka, hindi mo na nakuha ang trabahong napakatagal mong hinintay, lalo pa ng sabihin ng boss niyang “dapat, hindi ka kasi nagbuntis.”

Actually, nang sabihin niya sa boss naming buntis siya, mukhang naunawaan naman niya. Syempre, babae ka, may asawa, natural lang na mabuntis. Wala ngang asawa, nabubuntis, may asawa pa kaya? Sabi pa nga sa kanya, “Okay lang, ganoon naman talaga, kailangan mong mag-leave dahil manganganak ka.” Pero yun nga, nang bumalik siya after ng 90 days maternity leave, wala na ang posisyon – nakuha na ng iba. Sabi pa ni boss, “pwede namang hindi magbuntis, nagbuntis ka kasi,” – na ang sinasabi niya, pwede namang nag-contraceptives.

Isa lang yan sa mga istorya. May alam din akong isang lalaking respectable executive sa Makati na dapat sana ay magiging COO, pero hindi niya nakuha ang posisyon dahil iginigiit daw ng may-ari na dapat ay married man. Hindi niya pwedeng gawin ‘yon dahil isa siyang closet queen. Actually, hindi natin masasabing closet queen dahil alam naman ng lahat na kasapi siya sa LGBTQ++. Nagkataon lang na hindi siya transgender. Nagkataon ding matalino siya at talaga namang qualified sa nasabing posisyon. Pero pwede mo bang kwestiyunin ang kagustuhan ng may-ari ng kumpanyang dapat ay may-asawa ang kanyang COO, e siya nga ang may-ari? Katwiran nila, mas responsible ag married man dahil may pamilya siyang pinaglalaanan – which is not always the case, alam kong naniniwala kayo.

Another case po, may isang lesbian – as in tomboy – na lalaki sa isip, sa salita at sa gawa. Isa siyang licensed chemist na nagtatrabaho sa isang beauty products company, kaya kailangan niyang magsoot ng three-piece suit na pambabae at mag-make-up dahil requirement ito ng kumpanya. Labag na labag iyon sa kanyang kalooban, pero dahil kailangan niya ang trabaho, napipilitan siya. And to add salt to the wound, nakakaranas pa siya ng harassment sa mga katrabahong lalaki na nag-aaya ng one-night stand para patunayang babae siya.

Palagi na lamang ini­rereklamo ng kababaihang nasasantabi sila sa mga leadership positions sa kanilang kumpanya kung ay-asawa sila. Sana, lahat ng kumpanya ay gender-inclusive na pantay tumingin sa girl, boy bakla, tomboy pagdating sa promosyon. Ano ba ang kinalaman ng gender sa husay ng isang tao sa trabaho? Hindi ba paulit-ulit nang napapatunayang kayang maging suma cum laude ng babae man o lalaki? Hindi ba napatunayan din ng mga bading na kaya nilang maging pulis o sundalo? Hindi ba napatunayan din ng mga lesbian na kaya nilang manalo kahit sa beauty contest?

Kung bibigyang diin ang kakayahan ng babaing magkaroon ng malaking responsibilidad, dapat nating alalahaning ang pamamahala sa bahay ay higit pang malaking responsibilidad kesa kahit anupang posisyon sa opisina. Kung kaya nila iyon, mas kaya nila sa opisina. Ilang babae ba ang kilala kong nakapagtayo ng sarili nilang kumpanya, na nagtagumpay, at ilang lalaki naman ang sumablay sa kanilang negosyo dahil sa mismanement?

Hindi ko sinasabing mas magagaling kaming mga babae. Ang iginigiit ko lamang, sana ay magkaroon ng gender equality kung promosyon na ang usapan. What men can do, I believe we can do the same if not better. – KAYE NEBRE MARTIN