(Iginiit ng economic think tank) DAGDAG NA BUWIS SA MGA BILYONARYO

IBON Foundation Wealth Tax economic think tank

MULI­NG ipinanawagan ng economic think tank IBON Foundation ang pagpapataw ng wealth tax makaraang sabihin ni newly appointed Finance Secretary Ralph Recto na prayoridad niya ang pangongolekta ng P4.3 trillion na buwis ngayong 2024.

Sa report ng Super Radyo dzBB nitong Sabado, sinabi ni  IBON executive director Sonny Africa na ang mahihirap at middle classes ang higit na masasapol ng tax collection target.

Bagama’t makikinabang ang gobyerno sa pinaigting na kampanya laban sa tax evaders at pinag-ibayong tax collection methods, sinabi ni Africa na mahihirapang makamit ang target kung hindi babalasahin ang mismong tax system.

“Binabawasan ‘yung mga buwis sa malalaking kpmpanya at sa mayayamang pamilya, at ang pampuno nila [nanggagaling] sa ordinaryong Pilipino. Pati ‘yung mga [gumagamit] ngayon ng plastic bag, digital services, Motor Vehicle User’s Charge, ‘yung middle class ang magbabalikat niyan. Pandagdag ‘yung sa matamis na inumin, maging sa alkohol… Ang pinapatawan ng buwis, hindi yung kita o yaman, kundi yung konsumo,” ani Africa.

Iginiit niya ang panawagan ng grupo na buwisan ang pinakamayayaman sa bansa ng  1%.

“Sa tax sa yaman ng bilyonaryo ang laki ng kikitain,” sabi pa ni Africa

Sa pagtaya ng grupo, ang pamahalaan ay makakakolekta ng kalahating bilyong piso mula sa halos 3,000 Filipino billionaires, na may pinagsama-samang yaman na  P8.1 trillion.

Naunang sinabi ng IBON na ang pagpapataw ng buwis sa mga bilyonaryo ng wealth tax na 1% para sa yaman na mahigit P1 billion, 2% sa mahigit P2 billion, at 3% sa mahigit P3 billion ay makalilikom ng P467.1 billion.

“Kung kailangan ng gobyerno ng kita, dagdagan ang buwis ang mayayaman para naman mabuhat ang buwis na binabayaran ng mahihirap,” dagdag pa ni Africa.

Ibinasura ng dating administrasyon ang panukalang dagdag na buwis sa mga bilyonaryo sa bansa, at nagbabalang itataboy nito ang mga investor at hihikayat ng ‘tax avoidance schemes’.