(Iginiit ng labor group) P470 WAGE HIKE SA METRO

MULING naghain ng petisyon ang isang labor group makaraang ibasura ng wage board ang nauna nilang hirit na P470 umento sa daily minimum wage sa Metro Manila.

Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines president Raymond Mendoza, sa refiled petition, ang terminong “across-the-board,” na ipagkakaloob sa lahat anuman ang salary level, ay tinanggal.

“We just took out what they said is not their jurisdiction, which is ‘across-the-board,” pahayag ni Mendoza sa “Rundown” ng ANC nitong Huwebes.

Nauna nang sinabi ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng National Capital Region na ang isang across-the-board wage hike petition ay wala na sa kanilang hurisdiksiyon.

Ayon sa wage board, ang kanilang mandato ay “limitado lamang sa pagtukoy at pagtatakda ng minimum wage sa rehiyon,” na binanggit ang isang Supreme Court ruling.

Ipinanukala ng TUCP ang dagdag-sahod sa mahigit  5 million daily minimum wage earners sa Metro Manila para makayanan ang mga pagtaas sa presyo ng basic goods.

Binigyang-diin ni Mendoza na ang daily minimum wage ay huling tinaasan noong 2018, at hindi sila humirit ng umento noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

“But this time, there must be wage increase… Take note that the poverty threshold in NCR is P640 a day, and why are we giving minimum wage below poverty threshold?” pagtatanong niya.

Ang kasalukuyang daily minimum wage sa Metro Manila ay P537.

“We are actually intentionally making sure that the minimum wage earners are below poverty line,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ng Department of Labor and Employment na dedesisyunan ang wage hike petitions para sa Metro Manila workers sa Mayo.