UMAPELA ang isang grupo ng provincial bus operators sa gobyerno para sa full operations nila sa Metro Manila.
Ayon kay Alex Yague, executive director ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Incorporated, nasa 15 porsiyento lamang ng mga dating prangkisa ang operational sa kasalukuyan.
Sinabi ni Yague na nagtataka sila kung bakit wala pa silang go signal na makapasok sa Maynila gayong hindi naman sila dadaan ng EDSA para makarating sa kanilang terminal kundi tatawid lang sa nasabing kalsada.
Magugunitang muling binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inter-regional routes ng mga provincial bus na may valid at existing certificates na tumitiyak sa public convenience, provisional authority, at kinakailangang special permits.
Ang mga bus na bumibiyahe sa provincial commuter routes sa CALABARZON region ay maaari na ngayong kumuha ng mga pasahero sa kanilang orihinal na Araneta Bus Terminal sa Cubao.
Gayunman, ang provincial commuter routes na may pre-pandemic endpoint sa Buendia, Makati, Pasay, at Manila ay kailangan pa ring gamitin ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), kabilang ang mga ruta mula sa Quezon Province, Mimaropa (Southwestern Tagalog Region), at Bicol.
Ang provincial buses na magmumula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region ay pinapayagan ding magbaba ng mga pasahero sa North Luzon Express Terminal (NLET) kung saan may city buses na maaaring maghatid sa kanila sa Metro Manila.
Gayundin, ang PUBs na manggagaling sa Visayas at Mindanao patungo sa National Capital Region ay pinapayagang kumuha at magbaba ng pasahero sa Santa Rosa Integrated Terminal. Ang mga bus na patungong Metro Manila ay naghihintay roon.