IGINIIT NG TRANSPORT GROUPS: TAAS-PASAHE SA JEEPNEY

JEEPNEY-8

DOSE pesos na pasahe sa dyip ang iginigiit ng iba’t ibang transport groups sa harap na rin ng inaasahang pagsipa pa ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na araw.

Limang transport groups ang naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para hilingin ang nasabing jeepney fare hike.

Nagsama-sama ang ACTO, ALTODAP, FEDJODAP, LTOP at Pasang Masda para ihirit sa LTFRB ang P12 taas-pasahe para sa unang apat na kilometro at P2 dagdag sa kada kilometro sa Metro Manila.

Hiniling din ng mga transport group na ibalik sa P10 ang minimum na pasahe mula sa kasalukuyang P9 habang dinidinig ang kanilang petisyon.

Matatandaan na noong December 3, 2018, nagpalabas ng resolusyon ang LTFRB para sa provisional reduction ng pasahe mata-pos na bumaba ang ­presyo ng diesel.

Anila, sa kasalukuyan ay nasa P40 hanggang P45 ang kada litro ng diesel na posible pa umanong sumipa ang ­presyo dahil sa namumuong gulo sa Middle East,  bukod pa sa ipapataw na excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Tinukoy rin ng mga tsuper at operator ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga piyesa gaya ng engine oil, clutch lining, hy-rovac, steering pump, gulong at baterya.

Magugunitang buwan din ng Enero taong 2018 ay isinulong ng Pasang Masda ang kanilang petisyon sa LTFRB para sa P12 minimum jeepney fare dahil sa pagpapatupad ng mas mataas na excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law.

Ayon kay  Obet Martin, pangulo ng grupo, makatutulong ito sa mga jeepney operator para hindi gaanong maramdaman ang epekto ng TRAIN Law.

Sa ilalim ng TRAIN Law ay aabot sa mahigit P6 ang ipapataw na   excise tax sa diesel simula 2018 hanggang taong 2020. (VERLIN RUIZ, BENEDICT ABAYGAR, JR.)