DALAWANG araw bago simulan ng pamahalaan ang paghuli sa “colorum” public utility vehicles (PUVs), muling kinalampag ng nga jeepney driver at operator ang Korte Suprema para pigilan ang PUV Modernization Program (PUVMP).
Sa isinagawang kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Korte Suprema, nanawagan si MANIBELA chairperson Mar Valbuena sa high court na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa PUVMP at magdaos ng oral arguments para pakinggan ang kanilang panig. hear their side.
“Sa ating Korte Suprema, huwag tayong magbingi-bingihan, huwag tayo magbulag-bulagan. Tingnan natin ang nakakarami. Ang higit na nakakarami na mamamayang Pilipino na ngayon ay naghihikahos,” wika ni Valbuena.
Binigyang-diin ni Valbuena na ang PUVs na tumangging mag-consolidate para sa PUVMP subalit patuloy na mag-o-operate ay huhulihin simula sa Huwebes, Mayo 16. Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang unconsolidated PUVs ay ituturing na kolorum.
Ang kolorum ay ang mga sasakyan na nag-o-operate na walang kinakailangang permits o proper authorization mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Sa ilalim ng PUVMP, ang mga jeepney driver at operator ay dapat lumahok o bumuo ng kooperatiba. Maaari rin silang mag-aplay para sa bagong prangkisa subalit bilang bahagi ng transport cooperatives.
“Sana ay magbaba ng TRO… Kailangan nang suspindehin itong programa ng PUVMP sa kadahilanang marami nang nagpatotoo na ang programa ay palpak, nagkakandalugi at walang mga pyesa at mahihina ang mga sasakyan. Isang batayan yan upang ang program ay itigil,” sabi naman ni Ruben “Bong” Baylon, deputy secretary ng transport group PISTON.
Noong December 2023 ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang indibidwal para sa TRO o writ of preliminary injunction laban sa issuances na may kaugnayan sa PUVMP.