IGINIIT ni Senadora Risa Hontiveros sa ABS-CBN na gawing prayoridad ang kapakanan ng mga empleyado nito sa pamamagitan ng pagreregular sa mga ito.
“We need a pro-worker franchise,” anang senadora sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Services kaugnay sa mga alegasyon na nilabag ng network sa kanilang prangkisa.
Ayon kay Hontiveros, kapag na-renew ang prangkisa ng naturang network ay dapat na tuparin nito ang pangako kaugnay sa usapin ng labor practices, pagsasaayos ng contractualization at paglalaan ng job security sa mga manggagawa nito.
“Dapat genuine ang pagkalinga sa mga 11,000 manggagawa at hindi lang dahil may banta ng pagsasara,” anang senadora.
“Kung tunay ang pagiging ‘kapamilya’, dapat regular at may benepisyo ang mga empleyado ninyo,” dagdag pa niya.
Napag-alaman na umaabot lamang sa 7,000 ang regular employees ng ABS-CBN, kung saan 300 dito ay miyembro ng unyon.
Samantalang ang nalalabing 6,700 regular workers na tinatawag na ‘confidential’ ang siya umanong nakikinabang sa suweldo na 50% na mas mataas kumpara sa union members.
Nilinaw pa ni Hontiveros na sa ilalim ng pro-worker franchise, kabilang sa pangangalagaan ang pagregular sa workers at talents, gayundin ang pagbibigay sa lahat ng empleyado ng guaranteed workers’ at trade union rights.
“Moving forward, kapag napagbigyan ang prangkisa ng ABS-CBN, dapat kasama ang sapat ng benepisyo sa ilalim ng ating labor laws na may respeto sa mga unyon at sa collective bargaining agreement,” diin ng senadora.
“This is the promise of fairness that I expect from ABS-CBN,” dagdag pa niya. VICKY CERVALES
Comments are closed.