(Iginiit sa Kamara) GOV’T-AGRI STAKEHOLDERS COLLAB VS SMUGGLING

NANAWAGAN si AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee na magkaroon ng matibay at malawak na pagtutulungan ang gobyerno at agriculture stakeholders para labanan at supilin ang mga nasa likod ng talamak na ilegal na pagpasok ng iba’t ibang agri products sa bansa.

Pagbibigay-diin ng kongresista, lubos na katanggap-tanggap at pinapupurihan niya ang inisyatiba ng iba’t ibang pribadong grupo sa sektor ng local agriculture na mag-alok ng tulong sa layuning wakasan ang karumal-dumal na agri-smuggling sa bansa.

“Nariyan na po ang ating agri stakeholders na nag-aalok ng tulong. I hope the government accepts this offer, as we need all the help we can get to comprehensively address agri-smuggling in our country,” pagbibigay-diin pa ni Lee.

Giit ng AGRI party-list solon, ang paglahok o pakikiisa ng iba’t ibang samahan ng magsasaka, mangingisda at iba pa sa paglaban sa agri-smuggling ang mas epektibong paraan at umaasa siyang bibigyan ito ng kaukulang pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

“These stakeholders have key insights that policy makers and implementers might miss out on. Dahil nasa ground sila, alam nila ang pasikot-sikot, alam nila ang epekto ng smuggling. Kumbaga, ang mga stakeholder natin ay maaaring magsilbing guide sa nakakalito at mapanlinlang na terrain. They can ensure that government’s actions are truly targeted and thus, efficient and effective,” sabi pa ni Lee.

Pinuri rin niya ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na aktibong nakikipagtulungan sa counter-intelligence team ng Department of Agriculture (DA) para mabantayan ang mga entry port sa bansa, partikular ang Manila at Subic ports.

“Hopefully, we can expect their help not only in enforcement, but in every aspect of our fight against agri-smuggling, including the creation of stronger laws and policies that would effectively address this long-standing problem,” ani Lee.

Nauna na ring umapela ang Sorsogon native lawmaker kay Pangulong Marcos na palakasin ang Inspectorate and Enforcement Division ng DA, na kasalukuyang pinamumunuan ni Asst. Sec. James Layug.

“Pondohan natin ang opisinang ito, lagyan natin ng tao para magkangipin sila, at para hindi lang ad hoc, at makalikha sila ng medium to long-term, comprehensive strategy. We need to urgently address agri-smuggling dahil malaking bahagi ito ng isa sa pinakamalaking isyu na kinakaharap ng sambayanan, ang food insecurity. Sa lalong madaling panahon, kailangang matalo natin ang mga agri-smuggler at mapakulong sila para maging Winner Tayo Lahat,” dagdag pa ng kongresista. ROMER R. BUTUYAN